Matapos bumagsak ang Kanlurang Roma ay isang imperyo ang umusbong at tumagal ng mahigit isang libong taon — ito ang Imperyong Byzantine. Tinagurian ito bilang Eastern Roman Empire, at naging sentro ng kapangyarihan, relihiyon, at kultura sa pagitan ng Europa at Asya. Ito ay mahalagang talakayin dahil nagsilbi itong tulay sa pagitan ng sinaunang kabihasnan at ng Gitnang Panahon, at nag-iwan ng pamana sa aspeto ng pamahalaan, sining, at relihiyon. Layunin ng blog na ito na ipaliwanag ang pinagmulan, mga pinuno, tagumpay, hamon, at pagbagsak ng Imperyong Byzantine. Tara! Tayo na’t matuto, dito, sa Ser Ian's Class!
Pagkatatag at Pinagsimulan ng Imperyong Byzantine Ang pinagmulan ng Imperyong Byzantine ay nakaugat sa mga reporma ni Emperor Diocletian noong 285 CE. Sa harap ng krisis na dulot ng pananalakay, implasyon, at kaguluhang pampulitika, hinati niya ang Imperyong Romano sa Kanluran at Silangang bahagi—isang sistemang tinawag na Tetrarchy o pamumuno ng apat. Layunin nitong gawing mas episyente ang pamamahala at mas mapabilis ang pagtugon sa mga suliranin panlipunan. Sa kalaunan, mas naging matatag at masagana ang Silangang bahagi, na siya ring naging batayan ng Imperyong Byzantine.
 Sa pagsapit ng 324–330 CE, si Constantine I o Constantine the Great ay nanaig sa kanyang mga karibal at nagpasya na itatag ang isang bagong kabisera sa lugar ng sinaunang bayan ng Byzantium. Pinasinayaan niya ito bilang Constantinople, na tinawag ding “Nova Roma” o New Rome. Sa bagong lungsod na ito, ipinamalas ang kagalingan ni Constantine I sa politika, relihiyon, at kalakalan na kalaunan ay ginawang sentro ng Silangang Imperyo at nagbigay ng bagong direksiyon sa pamana ng mga Romano. Hindi lamang sa simbolikong aspeto mahalaga ang Constantinople, kundi lalo na sa praktikal na dahilan. Matatagpuan ito sa Bosporus Strait, na nagsisilbing tulay sa pagitan ng Europa at Asya. Dahil dito, nagkaroon ito ng kontrol sa mga pangunahing rutang pandagat ng Black Sea, Aegean, at Mediterranean, maging sa daloy ng kalakalan ng Silk Road maritime trade. Bukod sa lokasyon, natural na protektado ang lungsod sapagkat napalilibutan ito ng tubig at lalo pang pinatatag ng Walls of Theodosius noong ika-5 siglo, kaya’t naging mahirap itong mapasok ng mga mananakop.
Sa usaping pang-ekonomiya, nagsilbing pangunahing daungan ang Constantinople para sa palitan ng kalakal sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Sa pamamagitan ng buwis at taripa mula sa kalakalan, at ng paggamit ng solidus o bezant—isang gintong salapi—napanatili ng imperyo ang katatagan ng ekonomiya nito sa mahabang panahon.
.png)
Sa usapin ng identidad at institusyon, nanatiling nakaugat ang Byzantium sa batas at pamamahala ng Romano, subalit unti-unting nanaig ang wika at kultura ng mga Griyego sa lipunan at pamahalaan. Sa prosesong ito, lumitaw ang isang bagong imperyo—ang Eastern Roman o Byzantine Empire—na pinaghalo ang pamanang nagmula sa Roma at ang impluwensya na nagmula sa mga taga-Gresya. Mahalaga ring tandaan na naitaguyod ang malapit na ugnayan ng emperador at ng simbahan, na kilala bilang Church–State Synergy. Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng suporta mula sa konseho at pagtatayo ng mga basilica, na nahubog ang pundasyon ng Orthodox tradition na nagsilbing pangunahing tatak ng relihiyon at kultura ng imperyo. Mahalaga ang pagkatatag ng Constantinople at ng Imperyong Byzantine sapagkat sa pamamagitan nito ay napanatili ang mga institusyon ng Roma sa loob ng higit isang libong taon matapos bumagsak ang Kanlurang Imperyo. Naging daan ito upang mailigtas at maipasa sa susunod na henerasyon ang mga mahahalagang kaisipan sa batas, pilosopiya, agham, at teolohiyang Romano-Griyego. Bukod dito, ang estratehikong lokasyon ng Constantinople ay nagsilbing tulay at tagapamagitan ng Silangan at Kanluran, gayundin ay nagsilbi itong matibay na proteksyon ng Europa laban sa mga mananakop. Dahil dito, nagkaroon ng sapat na panahon ang Europa upang paunlarin ang sarili nitong pagkakakilanlan, na humantong sa pag-usbong ng Medieval period at, kalaunan, ng Renaissance.
Mga Natatanging Pinuno ng Imperyong ByzantineConstantine the Great o Constantine I Siya ang nagtatag ng Constantinople bilang bagong kabisera ng Eastern Roman Empire noong 330 CE. Bago ito, ipinatupad niya ang Edict of Milan (313 CE) na nagbigay ng kalayaan sa pananampalataya at nagpatibay sa Kristiyanismo. Pinangunahan niya ang Unang Konseho ng Nicaea (325 CE) na naglatag ng batayan ng pananampalatayang Kristiyano at ng Nicene Creed. Sa kanyang pamumuno, pinasinimulan ang pagtatayo ng mga monumental na simbahan tulad ng Church of the Holy Sepulchre sa Jerusalem at mga basilica sa Constantinople, na nagpatibay sa posisyon ng Kristiyanismo bilang opisyal na relihiyon ng estado. Bukod dito, inilipat niya ang sentro ng pamahalaan sa Silangan, bagay na naglatag ng pundasyon para sa paglago ng Byzantine Empire. Ang kanyang mga hakbang ay naglatag ng pundasyon ng Orthodox Christianity, nagbigay ng matibay na ugnayan sa pagitan ng simbahan at pamahalaan, at naglatag ng pamana ng imperyo sa kasaysayan ng Europa at Asya.
Justinian I Ipinatupad niya ang Corpus Juris Civilis na nagtipon at nag-ayos ng mga lumang batas Romano upang maging mas malinaw at sistematiko. Ang kodigong ito ay naging basehan ng civil law tradition sa Europa na ginagamit hanggang ngayon. Bukod dito, sinimulan niya ang malawakang programang pang-arkitektura kabilang ang pagtatayo ng Hagia Sophia, isang obra maestra ng arkitekturang Byzantine na sumisimbolo sa kapangyarihan ng imperyo at pananampalataya ng Kristiyanismo. Sa aspeto ng militar, ipinadala niya ang kanyang mga heneral na sina Belisarius at Narses upang muling sakupin ang dating teritoryo ng Kanlurang Roma tulad ng Hilagang Aprika, Italya, at bahagi ng Espanya. Bagama’t nagdulot ito ng panandaliang pagbabalik ng imperyo sa dating lawak, naging pabigat naman ito sa ekonomiya at depensa. Ang kanyang pamumuno ay mahalaga sapagkat pinagsama nito ang ambisyon ng muling pagbuhay ng Roman Empire at ang pagpapatatag ng Kristiyanismo bilang sentro ng lipunan at kultura ng Byzantium.
Theodora Si Theodora, asawa ni Justinian I at empress mula 527–548 CE, ay isa sa pinakamakapangyarihang kababaihan sa kasaysayan ng Byzantium. Malaki ang kanyang impluwensya sa pamahalaan, lalo na noong Nika Revolt (532 CE) kung saan pinayuhan niya si Justinian na manatili sa trono na nagligtas sa kanyang pamumuno. Bilang tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan, nagsulong siya ng mga reporma sa kasal, diborsyo, at proteksyon laban sa pang-aabuso, kabilang ang pagbabawal sa ilang anyo ng human trafficking at pagbibigay ng mas malaking karapatan sa kababaihan sa korte. Nagpatayo rin siya ng mga tahanan para sa mga dating inapi o inalipin na babae upang magkaroon sila ng bagong simula. Ang kanyang pamana ay patunay na kahit sa isang patriyarkal na lipunan, may mahalagang papel ang kababaihan sa politika, batas, at lipunan ng Byzantium.
Basil II
Si Basil II (958–1025 CE), na kilala bilang Bulgar Slayer, ay isa sa pinakamatagal at pinakamatagumpay na emperador ng Byzantine Empire. Sa kanyang halos limang dekadang pamumuno, nakamit niya ang kapangyarihan at katatagan sa pamamagitan ng mahigpit na disiplina at mahusay na pamumuno sa militar. Pinakamalaki niyang tagumpay ang pagkatalo ng mga Bulgarians noong Battle of Kleidion (1014 CE), kung saan libu-libong bihag ang pinabulag bago pauwiin, na nagresulta sa pagbagsak ng Bulgarian resistance at pag-anib ng kanilang kaharian sa Byzantium. Pinalawak niya ang teritoryo ng imperyo hanggang sa Balkans, Armenia, at Georgia, habang pinanatiling matatag ang ekonomiya sa pamamagitan ng maayos na koleksyon ng buwis at masinop na pamamahala sa yaman ng estado. Bukod sa mga tagumpay militar, pinahina niya ang kapangyarihan ng malalaking aristokratang may-ari ng lupa at nagpatupad ng mga patakarang pumapabor sa maliliit na magsasaka, bagay na nagpalakas sa panloob na katatagan ng lipunan. Sa kanyang pamumuno, naabot ng Byzantium ang rurok ng lakas militar, pampolitika, at pang-ekonomiya, na nagbigay ng matagal na panahon ng katatagan at kasaganaan bago magsimulang humarap muli sa mga hamon sa sumunod na siglo. Nakamit na mga Tagumpay Batas at Pamamahala Bukod sa simpleng pag-ayos ng batas, ang larangan ng pamamahala sa Byzantium ay may mas malalim na implikasyon: pinagsama nito ang legal codification at ang pagtatatag ng isang sistematikong burukrasya. Ang Corpus Juris Civilis ay hindi lamang koleksyon ng batas kundi nagsilbing modelo ng legal rationality na ginamit ng mga unibersidad sa Medieval Europe at naging tulay sa modernong konsepto ng civil law. Samantala, ang professional bureaucracy ng Byzantium ay nagpakita kung paano ang organisadong administrasyon—na may malinaw na tungkulin at pagkakaroon ng fiscal offices—ay makapagpapanatili ng katatagan ng estado kahit sa gitna ng krisis. Ang kombinasyong ito ng batas at pamahalaan ay nakapaglatag ng pundasyon na naiiba sa ibang imperyo ng Gitnang Panahon ng Byzantine, dahil nagbigay ito ng praktikal na blueprint o gabay para sa modernong pamamahala at sistemang legal.
Relihiyon at Kultura Naiiba ang kontribusyon ng Byzantium dito dahil hindi lamang sila nagpanatili ng sariling relihiyon kundi aktibong nag-eksport ng kanilang pananampalataya at kultura. Una sa lahat, nabuo at na-institutionalize ang liturhiya, monastic traditions, at teolohiya ng Silangan na tinatawag na Eastern Orthodox Christianity. Nagbigay ito ng natatanging spiritual aesthetics tulad ng icons, chants, at arkitektura na naiiba sa Kanlurang Katolisismo, at naglatag ng malinaw na pagkakaibang kultural at relihiyoso sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Bukod dito, sina Cyril at Methodius (9th c.) ay nagmisyon sa Moravia at lumikha ng Glagolitic alphabet na naging batayan ng Cyrillic script. Dahil dito, naipalaganap ang Kristiyanismo sa mga bansang Slavic gaya ng Bulgaria, Serbia, at Rus’, na kalaunan ay naging pundasyon ng kanilang pambansang identidad at relihiyosong tradisyon o ang Mission sa Slavic World. Sa huli, sa ganitong paraan, sila ang humubog sa relihiyon at kultural na mapa ng Eastern at Southeastern Europe, at ang impluwensya ng Orthodox tradition ay makikita pa rin hanggang ngayon sa Greece, Balkans, Caucasus, at Russia.
Sining at Arkitektura Ang Hagia Sophia ay isang monumental na domed basilica na hindi lamang nagsilbing lugar ng pagsamba kundi simbolo rin ng kapangyarihan at espirituwalidad ng imperyo. Ang inobatibong disenyo nito—pagsasanib ng malawak na dome at tradisyong basilica—ay naging modelo para sa Byzantine at kalaunan ay arkitekturang Ottoman. Dagdag pa dito, ang mga gold‑ground mosaics at iconography ay hindi lamang dekorasyon kundi nagsilbing didaktikong kasangkapan upang maipahayag ang teolohiya sa pamamagitan ng sining. Nagpapakita ito ng kakaibang visual theology na naiiba sa naturalismong estilo ng Kanluraning sining.
Ito ay mga natatanging kontribusyon dahil hindi lang sila nakapokus sa relihiyosong pagpapahayag kundi sa paghubog ng isang espirituwal na karanasan sa pamamagitan ng lugar—isang pagsasanib ng arkitektura at sining na walang katulad sa iba pang imperyo. Ang Hagia Sophia ay nagsilbing pamantayan ng sacred architecture at inspirasyon sa Medieval Latin West at Islamic world, partikular sa larangan ng dome engineering. Halimbawa, ang St. Mark’s Basilica sa Venice ay malinaw na humango sa disenyo ng Byzantine, habang ang mga Ottoman mosque tulad ng Blue Mosque ay gumamit ng parehong dome system na inobatibo sa Byzantium. Sa ganitong paraan, ang sining at arkitektura ng Byzantium ay hindi lamang pamana kundi naging batayan ng pandaigdigang pag-unlad ng arkitekturang panrelihiyon at pampolitika, na naglatag ng pamana ng Byzantium sa kasaysayan ng sining at arkitektura.
.png)
Kaalaman at Edukasyon Hindi lamang basta pagsasalin kundi masusing pag-edit, pagsasama, at pagpapaliwanag ng mga tekstong klasikal ang ginawa ng mga iskolar sa Constantinople. Pinanatili nila ang mga sulatin sa pilosopiya (hal. Plato, Aristotle), agham at medisina (hal. Galen, Hippocrates), matematika (hal. Euclid), at kasaysayan (hal. Thucydides, Herodotus) na kung hindi dahil sa kanila ay maaaring tuluyang nawala. Mahalaga ring tandaan na nagdagdag sila ng commentaries at scholia na tumulong sa interpretasyon ng mga Griyegong manunulat, kaya’t mas madaling nauunawaan ang mga tekstong ito ng mga sumusunod na henerasyon. Pagkatapos ng 1204 at lalo na ng pagbagsak noong 1453, maraming iskolar ang lumipat sa Italya dala ang mga manuskrito at kaalaman, na naging mitsa ng Renaissance humanism at muling pagsibol ng interes sa klasikal na pag-aaral. Naiiba ang kontribusyon ng Byzantium dahil hindi lamang sila tagapag-ingat kundi aktibong tagapagpaliwanag at tagapaghatid ng sinaunang karunungan. Kung wala sila, ang muling pagbuhay ng humanismo sa Italya ay magiging mahina at kulang sa orihinal na sanggunian.
Ekonomiya at Kalakalan
 Hindi maikakaila ang kahusayan ng Byzantium sa pagpapatakbo ng ekonomiya at kalakalan. Ang kanilang solidus o bezant ay nagsilbing isang matatag na pamantayan ng ginto sa loob ng maraming siglo. Pinagkakatiwalaan ito ng mga mangangalakal dahil sa bigat at dalisay na komposisyon, kaya’t tinanggap hindi lamang sa Byzantium kundi sa buong Mediterranean, kabilang ang mga pamilihan ng Islamic world at Western Europe. Ang Constantinople naman ay naging tunay na sentro ng kalakalan dahil sa kontrol nito sa mahahalagang rutang pandagat tulad ng Dardanelles at Bosporus. Sa lungsod na ito dumadaloy ang silk, spices, metalwork, at iba pang luxury goods o mamahaling produkto mula Asya patungong Europa, at vice versa, kaya’t naging dalahan at hatiran ito ng mga kinalakal na mga produkto na muling ine-export. Bukod pa rito, umusbong din ang mga sinaunang institusyong pinansyal—mga guilds, regulated markets, at state-controlled trade—na nagsilbing modelo para sa mga komersyal na sistema sa Medieval at maging sa modernong panahon.
Ang natatanging kombinasyon ng stable currency, strategic trade location, at maayos na regulasyon ang nagpapanatili ng daloy ng kalakalan sa Eurasia. Sa pamamagitan ng Byzantium, naipagdugtong ang ekonomiya ng Silangan at Kanluran, nadiktahan ang presyo ng mga kalakal, at napangalagaan ang isa sa pinakamalakas na ekonomiya ng Gitnang Panahon.
Militar at Diplomasya Sa larangan ng militar at diplomasya, namukod-tangi ang Byzantium sa kakaibang paraan ng pagtatanggol at pamumuno. Isa sa kanilang pinakamalaking lihim ay ang Greek Fire, isang incendiary mixture na hindi mapapatay ng tubig at tunay na nagpabago sa siege warfare at naval defense. Sa paggamit nito, matagumpay nilang naitaboy ang mga pagsalakay ng Arab fleet, partikular noong 717–718 CE nang depensahan nila ang Constantinople laban sa isang napakalaking hukbo. Dagdag pa rito, ang kanilang fortifications tulad ng multi‑layered Walls of Theodosius ay napatunayang halos hindi mapasok sa loob ng maraming siglo, na naging sagisag ng tibay ng kabisera. Sa loob ng imperyo, ipinatupad ang sistemang themes, kung saan ang mga lalawigan ay sabay na gumaganap bilang administratibo at militar na yunit, dahilan upang magkaroon ng lokal na depensa at mabilis na tugon sa banta. Higit pa sa armas, kilala rin ang Byzantium sa sopistikadong diplomasya—mula sa pagbabayad ng tribute at estratehikong pagpapakasal, hanggang sa paggamit ng intelligence networks at pagpapalaganap ng relihiyon upang palakasin ang kanilang impluwensya. Ang kakaibang kombinasyon ng lihim na sandata, halos di‑mapasukang depensa, at matalinong diplomasya ang nagbigay ng kakayahan sa Byzantium na mabuhay nang higit sa isang milenyo. Dahil dito, nahadlangan ang mabilis na paglawak ng mga mananakop papasok sa Europa at naingatan ang tulay ng kaalaman mula Classical antiquity patungong Gitnang Panahon at Renaissance.
Mahalagang Labanan/PagsubokMga Pagsalakay (Persians, Arabs, at Turks) Sa huling siglo ng Romano at unang siglo ng Byzantium, sunud‑sunod ang digmaan laban sa Sasanian Persians (lalo na ang 602–628 war). Bagama’t nabawi ni Heraclius ang mga sagradong lungsod, naubos ang yaman at lakas‑militar—kaya nang 630s–740s, mabilis na nakuha ng mga Arab Muslim ang Syria, Egypt, at North Africa. Noong 1071, tinalo ng Seljuk Turks ang Byzantium sa Battle of Manzikert, dahilan ng pagkawala ng malaking bahagi ng Anatolia—ang pangunahing pinanggagalingan ng buwis at sundalo. Dahil sa pangyayaring ito, nabago ang estruktura ng depensa (pagbuo at pagpapatibay ng themes o rehiyong‑militar), kinompromiso ang ekonomiya at seguridad, at nagtakda ng pangmatagalang hanggnan sa pagitan ng Kristiyanong Europa at mundo ng Islam.
Ikonoklasmo (Iconoclasm, 726–787 at 815–843) Dalawang beses ipinagbawal ang paggamit at veneration ng mga relihiyosong imahe sa ilalim nina Leo III at Constantine V. Sa panahong ito, maraming ikon ang winasak, ang mga tagapagtanggol ng mga ikon (iconodules) ay pinag-usig, at nagkaroon ng matinding tunggalian sa pagitan ng emperador, simbahan, at mga monghe. Noong 843, sa pamumuno ni Empress Theodora, ibinalik ang veneration na tinaguriang “The Triumph of Orthodoxy,” at muling lumaganap ang paggamit ng mga banal na imahe. Ang pangyayaring ito ay nagbukas ng malalim na diskusyon tungkol sa relasyon ng relihiyon at politika, at nagbigay-diin sa pagkakaiba ng “paggalang” sa mga imahen at “pagsamba” sa Diyos. Bukod dito, binago nito ang anyo ng sining-panrelihiyon, tulad ng pag-usbong ng mas pormal na iconostasis, at nagtala ng mahalagang saligan sa ugnayan ng simbahan at estado sa Silangang Kristiyanismo.
Crusades (lalo na ang Fourth Crusade, 1204) Sa halip na magtungo sa Holy Land, ang hukbo ng Krusada ay nagtungo patungong Constantinople, na kanilang sinalakay at winasak noong 1204. Bunga nito, naitatag ang Latin Empire (1204–1261) at nagkawatak-watak ang mga teritoryo ng Byzantine sa tatlong estado - ang Nicaea, Epirus, at Trebizond. Nang muling mabawi ng Byzantium ang Constantinople noong 1261, ang imperyo ay nasa estado na ng matinding paghina—lugmok sa kakulangan ng yaman, mababang populasyon, mahinang lakas-militar, at higit pang napinsala ang ekonomiya dahil sa dominasyon ng Venice at Genoa sa kalakalan sa rehiyon.
Ang kaganapang ito ay nagdulot ng malalim na sugat sa ugnayan ng mga Latin at Orthodox Christians, na nagpapatibay sa hidwaang teolohikal at pampolitika na nagsimula pa noong Schism ng 1054. Higit pa rito, ipinakita ng pangyayaring ito ang pag-usbong ng kapangyarihan ng mga merchant states gaya ng Venice at Genoa, na nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kalakalan at politika ng Mediterranean. Dahil dito, ang Byzantine Empire ay hindi lamang humina sa loob, kundi naging mas marupok din sa harap ng lumalakas na banta mula sa Ottoman Turks. Sa huli, ang Fourth Crusade ay nagsilbing isang mahalagang turning point na hindi lamang nagpahina sa Byzantium kundi nagpabago rin sa balanse ng kapangyarihan sa Europa at rehiyong Mediterranean, na humantong sa tuluyang pagbagsak ng Constantinople noong 1453.
Ang Pagbagsak ng Imperyo
Ang pagbagsak ng Byzantine Empire ay bunga ng magkakaugnay na salik tulad ng mga digmaan, pagbagsak ng ekonomiya, at pagkawala ng mga teritoryo. Nagsimula ito sa pagkatalo sa Battle of Manzikert (1071) na nagdulot ng pagkawala ng Anatolia, sinundan ng pagkawasak ng Constantinople sa Ika-Apat na Krusada (1204), at lalo pang pinahina ng mga pananakop ng Ottoman, salot, at kaguluhang sibil noong ika-14 na siglo. Tuluyang bumagsak ang imperyo nang sakupin ng mga Ottoman sa ilalim ni Mehmed II ang Constantinople noong 1453. Ang pagbagsak ng Byzantium ay naging makasaysayang hudyat ng pagtatapos ng Medieval na kaayusan at nagsilbing daan tungo sa Renaissance at Age of Exploration, dala ng mga kaalamang inilipat ng mga tumakas na iskolar patungong Italya.
Konklusyon
Sa kabuuan, ang Byzantine Empire ay hindi lamang isang matagal na umiiral na imperyo sa kasaysayan kundi isa ring mahalagang tagapag-ugnay sa pagitan ng sinaunang Roma at ng makabagong Europa. Ang pamana nito sa larangan ng batas, relihiyon, sining, at pamahalaan ay nagsilbing tulay na nagpaabot ng kaalaman at tradisyon mula sa classical antiquity patungo sa Gitnang Panahon, na kalaunan ay naglatag ng pamantungang kaalaman para sa pag-usbong ng modernong kabihasnan.
Sa aspeto ng relihiyon, ang pag-usbong at patuloy na impluwensiya ng Eastern Orthodox Church ay malinaw na nagpapakita ng pangmatagalang ambag ng Byzantium sa espirituwal na buhay ng Europa at Asya. Sa larangan naman ng batas, ang Corpus Juris Civilis ni Justinian I ay nagbigay ng pundasyon para sa mga konsepto ng hustisya at karapatan na naging bahagi ng modernong legal na sistema sa Europa. Samantala, ang mga obra ng arkitektura at sining—mula sa kahanga-hangang Hagia Sophia hanggang sa makukulay na mosaics—ay patunay ng kanilang malikhaing pagpapahayag ng pananampalataya at estetikong pamana na patuloy na pinapahalagahan sa kasalukuyan.
Bagama’t bumagsak ang imperyo noong 1453, nananatiling buhay ang pamana ng Byzantium sa Europa, Kristiyanismo, at pandaigdigang kasaysayan. Ipinapakita nito na ang tunay na kahalagahan ng isang imperyo ay hindi lamang nasusukat sa haba ng pamumuno o sa lawak ng teritoryo, kundi higit sa lahat sa naiwan nitong mga kontribusyon na patuloy na humuhubog sa sibilisasyon at lipunan hanggang sa ating panahon. Sanggunian:Cameron, A. (2006). The Byzantines. Blackwell Publishing.
Herrin, J. (2007). Byzantium: The surprising life of a medieval empire. Princeton University Press.
Mango, C. (Ed.). (2002). The Oxford history of Byzantium. Oxford University Press.
Norwich, J. J. (1997). A short history of Byzantium.
Alfred A. Knopf.Shepard, J. (Ed.). (2008). The Cambridge history of the Byzantine Empire c.500–1492. Cambridge University Press.
Treadgold, W. (1997). A history of the Byzantine state and society. Stanford University Press. |
| |
|
|
|
| | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | | |
Comments
Post a Comment