Ang Krusada: Sanhi, Epekto, at Mahahalagang Aral sa Kasaysayan

Image
Ang Krusada: Sanhi, Epekto, at Mahahalagang Aral sa Kasaysayan      Ang libu-libong sundalo at peregrino mula Europa na naglakbay patungong Banal na Lupain, dala ang krus sa kanilang dibdib na naglalakbay ng libu-libong kilometro, taglay ang matinding pananalig at pag-asa na mabawi ang mga sagradong lugar. Ito ang simula ng tinaguriang Krusada – isang serye ng mga digmaang panrelihiyon at pampolitika na naganap mula 1096 hanggang ika-13 siglo . M ahalaga ang talakayang ito dahil ipinapakita ng Krusada ang ugnayan ng relihiyon, politika, at ekonomiya sa Gitnang Panahon. Halos lahat ng aspeto ng buhay-medieval ay naapektuhan – mula sa Simbahan at pamahalaan hanggang sa kalakalan at pang-araw-araw na pamumuhay.  Ipinakita ng nito kung paano nagkakaugnay ang pananampalataya at kapangyarihan, at kung paano nabago ng digmaan ang takbo ng kasaysayan ng daigdig.  Sa blog na ito, layon nating ipaliwanag ang mga sanhi ng Krusada at ang mga naging epekto nito sa Europa at...

Kasaysayan ng Feudalismo: Pamahalaan at Lipunan sa Medieval Europe

Kasaysayan ng Feudalismo: Pamahalaan at Lipunan sa Medieval Europe

    Isipin mo ang isang lipunan kung saan ang kapangyarihan ay nakabatay sa pagmamay-ari ng lupa at proteksiyon. Ganyan ang feudalism o pyudalismo sa Medieval Europe – isang sistemang politikal at panlipunan na umiral mula ika-9 hanggang ika-15 siglo sa Kanlurang Europa. Mahalaga itong maunawaan dahil dito nakasalalay noon ang pamahalaan, ang kaayusan ng lipunan, at ang ekonomiya ng buong rehiyon. Sa blog na ito, tatalakayin natin kung paano gumana ang sistemang piyudal: ang ugnayan ng hari, maharlika, kabalyero, at magsasaka, at kung paano nito nahubog ang pamumuhay sa Gitnang Panahon. Tara! Tayo na’t matuto, dito, sa Ser Ian's Class!

Ang Simula / Pinagmulan

Protection Racket in Medieval Period
    Matapos bumagsak ang Kanlurang Imperyong Romano noong 476 CE, nasadlak ang Kanlurang Europa sa kaguluhan at pagkawala ng sentralisadong pamahalaan. Nangangahulugan ito na walang matibay na gobyerno na kayang magbigay-proteksiyon sa mga mamamayan laban sa iba’t ibang panganib. Bilang tugon, lumitaw ang mga lokal na pinuno at warlords na kumontrol sa kani-kanilang teritoryo—parang mga “hari-harian” na kumikilos tulad ng mga pinunong nag-aalok ng proteksiyon kapalit ng serbisyo at pagbabayad ng buwis. Dito nagsimulang umusbong ang sistemang piyudal, isang kaayusang panlipunan na nakabatay sa lupa at proteksiyon. Maaaring ihambing ito sa isang “protection racket”—isang anyo ng pangingikil at organisadong krimen kung saan humihingi ng pera ang mga kriminal mula sa isang negosyo o indibidwal kapalit ng diumano’y pangako ng proteksiyon laban sa kapahamakan, na kadalasa’y sila rin mismo ang nagdudulot noong panahong iyon.

1000 CE Map of Europe
Reference: World History Encyclopedia. (n.d.). The world known to the Europeans in 1000 CE [Image]. WorldHistory.org. https://www.worldhistory.org/img/r/p/1500x1500/20051.png.webp?v=1740044763-1740044753

    Upang mapanatili ang kaayusan, nabuo ang tinatawag na feudal contract. Sa kasunduang ito, ang isang nakatataas na pinuno (tulad ng hari) ay nagbibigay ng lupa na tinatawag na fief sa isang tagasunod (tinatawag na vassal, na kadalasan ay isang maharlika) kapalit ng katapatan at serbisyo nito. Halimbawa, ang hari ay mamimigay ng lupain sa kanyang mga tapat na feudal lord; kapalit naman, nangako ang mga feudal lord na lalaban para sa hari at susuporta sa kanya tuwing kailangan. Sa kabilang banda, responsibilidad ng feudal lord na protektahan ang kanyang vassal at pamahalaan ang katarungan sa kanyang nasasakupan bilang kapalit ng serbisyo ng vassal. Unti-unti, itong ugnayang hari → feudal lord → knight → farmers ang naging pundasyon ng pamahalaan at lipunan sa Medieval Europe. Makikita sa mapa ng Europa bandang 1000 CE na watak-watak ang mga kaharian at lupaing pinaghaharian ng iba’t ibang lokal na pinuno, indikasyon ng pag-usbong ng sistemang piyudal matapos ang Imperyo ng Roma.

Struktura ng Lipunang Feudal

Feudal System; Sistemang Piyudal

    Maihahalintulad ang estruktura ng lipunang piyudal sa isang pyramid: sa tuktok ang hari, kasunod ang mga maharlika, sa ilalim ay ang mga kabalyero o knights, at ang nasa pinakababa ay ang mga magsasaka o serfs. Bawat antas ay may tungkulin at benepisyo na nakakabit sa ugnayang ito. Ang mga sumusunod ay ang pangunahing mga antas ng hierarkiyang piyudal:

  • King; Hari
    Hari (King) - Siya ang pinuno ng buong kaharian at nasa pinakamataas na antas ng pyramid. Sa teorya, pagmamay-ari ng hari ang lahat ng lupang sakop ng kanyang kaharian. Gayunpaman, hindi kayang pamahalaan ng hari ang lahat ng lupain nang sabay-sabay, kaya’t ibinabahagi niya ang malalaking bahagi nito bilang fief sa mga tapat na maharlika. Kapalit ng mga lupang ito, nangangako ang mga maharlika na magbibigay ng katapatan, magbabayad ng tributo, at maglalaan ng suporta sa militar tuwing may digmaan. Kung hindi tutupad ang isang lord sa kanyang obligasyon, maaaring bawiin ng hari ang lupa at ipagkaloob ito sa ibang mas tapat na pinuno. Sa ganitong paraan, napananatili ng hari ang kanyang nominal na awtoridad, bagaman sa praktikal na mga pangyayari ay limitado ang kanyang direktang kapangyarihan, lalo na sa malalayong lugar.

  • Maharlika (Lords/Nobles) - Sila ang mga aristokratang tumanggap ng lupain mula sa hari. Kabilang dito ang mga duke, count, baron, at iba pang titulo ng noble. Ang maharlika ang namamahala sa mga lupain o manor na ipinagkatiwala sa kanila – kumikilos silang para bang maliit na “hari” sa kanilang sariling teritoryo. Karapatan nilang maningil ng buwis at magpatupad ng batas sa kanilang nasasakupan. Tungkulin naman nila na suportahan ang hari sa pamamagitan ng paglalaan ng mga mandirigma at kabalyero kapag may labanan. Karaniwan ay may kastilyo o manor house ang lord sa kanyang lupain, at may sariling hukbo upang protektahan ang teritoryo laban sa ibang lord o mananakop. Sila rin ang nagtatayo ng mga hukuman (manor court) at namumuno sa pagresolba ng mga alitan sa kanilang nasasakupan. Sa madaling salita, decentralized ang pamahalaan sa ilalim ng piyudalismo – mas makapangyarihan sa araw-araw ang lokal na lord kaysa sa malayong hari.

  • Kabalyero (Knights) - Sila ang mga mandirigmang nabibilang sa uring maharlika ngunit mas mababa kaysa sa mga dakilang lord. Ang kabalyero ay kadalasang vassal din ng isang mas mataas na lord o direkta ng hari. Bilang kabayaran sa kanilang serbisyo, maaari rin silang bigyan ng maliit na lupa o kita mula sa lupa ng lord (tinatawag ding fief) upang tustusan ang kanilang pangangailangan. Sila ang bumubuo sa puwersang militar ng lipunang piyudal, na nakasuot ng baluti at nakasakay sa kabayo tuwing labanan. Sa katunayan, ang paglitaw ng mabigat na kabalyero (heavy cavalry) ang nagdomina sa taktika ng digmaan noong panahong iyon, kaya itinayo rin ang maraming kastilyo bilang pananggalang sa pagsalakay. Ang mga kabalyero ay sumumpa ring sundin ang Code of Chivalry – isang striktong kodigo ng asal na binibigyang-diin ang kagitingan, katapatan sa panginoon, at pagtatanggol sa mga mahihina. Bagaman hindi laging nasusunod sa riyalidad ang mga ideolohiya nito, ito ang naging batayan ng etika ng pagiging isang kabalyero. Ang buhay ng isang knight ay puno ng pagsasanay at serbisyo: nagsisimula sila bilang mga esquire na tagapaglingkod ng nakatatandang kabalyero, at kalaunan ay maaaring maging isang knight kapag napatunayan ang galing at katapatan.

  • Magsasaka / Alipin ng Lupa (Serfs) - Sila ang nasa pinakailalim ng lipunan. Tinatawag silang serfs o alipin ng mga lords dahil nakatali sila sa lupang pag-aari nito at hindi maaaring basta-basta itong umalis o ipagbili ang lupang binubungkal. Karamihan sa populasyon noong Medieval Period ay kabilang sa pangkat na ito. Ang serf ay siyang nagbubungkal ng lupa at nagbabayad ng buwis at renta sa kanyang panginoon, kadalasan sa anyo ng bahagi ng ani o serbisyo (halimbawa, ilang araw ng paggawa bawat linggo sa bukirin ng lord). Halos lahat ng aspektong pang-ekonomiya ng manor ay nakasalalay sa kanilang paggawa – sila ang nagtatanim, nag-aani, nag-aalaga ng hayop, at gumagawa ng iba pang gawaing bukid upang mabuhay ang buong komunidad. Bilang kapalit, may karapatan ang mga serf na protektahan sila ng lord laban sa pananakop o karahasan, at payagan silang gamitin ang maliit na bahagi ng lupa upang matustusan ang sariling pamilya. Gayunpaman, limitado ang kanilang karapatan: hindi sila makapagmay-ari ng lupa, at kailangan ng pahintulot ng lord kung sila ay magpapakasal o lilipat ng tirahan. Sila ay bound by law and custom na magsilbi sa lord – tulad ng paglilinang ng bukid ng panginoon, pag-aani at pag-iimbak ng ani, pagputol ng kahoy, at iba pang mabibigat na gawain sa manor. Sa madaling salita, sila ang gulugod ng ekonomiya ng sistemang piyudal, subalit nananatiling nasa ilalim ng kontrol ng kanilang panginoon.

Pamahalaan sa Ilalim ng Piyudalismo

    Ang pamahalaang piyudal ay decentralized at nakasalalay sa personal na ugnayan ng mga lord at vassal. Sa kawalan ng malakas na sentralisadong hari, ang mga lokal na lord ang tunay na may kapangyarihan sa kani-kanilang nasasakupan. Iba-iba ang batas, kaugalian, at pamamalakad sa bawat lupaing hawak ng mga maharlika – maaari ngang magkaiba pati interpretasyon ng Kristiyanismo o panuntunan ng simbahan sa iba’t ibang lugar, depende sa lokal na awtoridad. Sa ganitong kaayusan, ang Europa ay nahati sa maliliit na yunit na pinamumunuan ng iba’t ibang dugong-bughaw. Nominal pa rin ang posisyon ng hari bilang pinakamataas, ngunit sa praktikal na pamamalakad ay limitado ang kontrol niya sa mga malalayong rehiyon. Sa katunayan, ayon kay Dr. Willam Pelz (2016) “feudal Europe was a decentralized world where local rulers were lords... and the power of kings nominal outside their immediate holdings”.

(Image Reference: Galileus. (2023, September). Medieval feudalism. Knights Templar. https://knightstemplar.co/wp-content/uploads/2023/09/galileus_medieval_feudalism_e0f44f3c-d444-4065-8ebf-4a9d2b064c9e-1024x512.jpg)

    Sa sistemang ito, naging mahalaga ang konsepto ng fief. Ang fief ay lupain (o minsan ay posisyon o pribilehiyo) na ipinagkakaloob ng isang lord sa kanyang vassal kapalit ng serbisyong militar at iba pang obligasyon. Sa gayon, ang pulitika at pamamahala ay naging parang transaksiyon o lupa para sa serbisyo. Halimbawa, maaaring bigyan ng hari ng lupa ang isang duke; bilang ganti, magdadala ang duke ng daan-daang kawal kapag nanawagan ang hari sa panahon ng digmaan. Ang bawat antas ng lipunan ay nakatali sa ganitong kasunduan ng lupain at tungkulin. Sa ilalim ng feudal contract, responsibilidad ng lord na protektahan ang kanyang vassal at igalang ang kanyang karapatan sa lupain, at tungkulin naman ng vassal na tuparin ang kanyang sinumpaang serbisyo (lalo na sa militar) at panatilihin ang katapatan sa kanyang lord. Dahil dito, naging personal ang katangian ng pamamahala – nakasalalay sa honor at pangako ng bawat isa, sa halip na sa isang malakas na burukrasya o sentralisadong batas.

Manorial System
    Bukod sa pampulitikang aspeto, umiral din ang manorial system bilang kaakibat na estruktura ng feudalismo. Ang manorial system ang nagsisilbing yunit ng pang-ekonomiya. Ang manor ay isang malawak na lupain na pag-aari ng lord, kasama ang lahat ng mga nayon at bukid dito. Ito ay self-sufficient na komunidad – halos lahat ng pangangailangan ay napoproduso sa loob ng manor. Karaniwang binubuo ang manor ng tirahan ng lord (maaaring isang manor house o kastilyo), mga kabahayan ng mga magsasaka, simbahan, gilingan, mga kamalig, at mga sakahan sa paligid. Halimbawa, sa isang tipikal na manor sa Europa noong ika-13 siglo, may maliit na baryo ng mga cottages ng peasants, may parang (open fields) na hinati para sa pagtatanim, may pastulan para sa hayop, gubat para sa panggatong at pangangaso, at isang manor house na posibleng may moat o dingding para sa seguridad. Ang lord (o ang kinatawan niyang steward) ang namamahala sa kabuuan ng manor – siya ang nagtatakda ng buwis (na kadalasa’y bahagi ng ani ng magsasaka), siya rin ang namumuno sa manor court para lutasin ang alitang legal sa mga taganayon. Dahil self-contained ang manor, limitado ang panlabas na kalakalan; bihirang-bihira ang pangangailangang maglakbay o makipagkalakalan sa malalayong bayan dahil halos lahat ay nakukuha na mula sa sariling bukid at kagubatan ng manor. Sa gayon, umikot ang ekonomiya sa palitan ng serbisyo at produkto sa loob ng manor imbes na sa paggamit ng pera – sa unang bahagi ng Gitnang Panahon, halos hindi kailangan ang salapi sa tipikal na pamumuhay, at ang mga bayarin ay sa anyo ng ani o serbisyo kaysa barya.

(Image Reference: Middle Ages manor system [Illustration]. (n.d.). Kajabi. https://kajabi-storefronts-production.kajabi-cdn.com/kajabi-storefronts-production/file-uploads/themes/2153262059/settings_images/b0fa568-8a0a-cd6f-74b5-85f543f7ab5f_Middle_Ages_Manor_System_in_World_History.webp)

    Malapit ang ugnayan ng pamahalaan at ekonomiya sa feudalismo. Ang pamamahala (governance) ay nakabatay sa kontrol ng lupa at ng tao, at ang ekonomiya ay umiikot sa manor na pinamamahalaan ng lord. Walang modernong “bansang” konsepto; sa halip, ang katapatan ng isang tao ay nakatalaga sa kanyang lord at sa immediate community ng manor. Ang ganitong sistema ay epektibo sa pagkakaroon ng kaayusan sa panahon na maraming banta mula sa panganib sa labas ng lupa ng hari at walang malakas na pambansang pamahalaan. Subalit, may kaakibat din itong di-pagkakapantay-pantay at madalas na pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga lokal na pinuno.

Mga Katangian ng Lipunang Feudal

    Bukod sa estrukturang pampolitika at pang-ekonomiya, may natatanging katangian ang lipunang feudal sa Europa.

Ugnayang Panlipunan (Social Relations)

Homage
    Ang lipunan sa ilalim ng feudalismo ay nabuo sa network ng obligasyon at katapatan. Bawat tao – mula hari hanggang magsasaka – ay nakatali sa iba pang tao kaugnay ng tungkulin at benepisyo. Ang personal na relasyon tulad ng homage (panunumpa ng vassal sa kanyang lord) at fealty (panata ng katapatan) ang nagsisilbing “nag-uugnay” ng sistemang ito. Halimbawa, ang isang vassal ay mangangakong magsisilbi at susuporta sa kanyang lord, at bilang ganti tatanggap siya ng proteksiyon at kabuhayan. Ang mga lord mismo ay vassal ng mas mataas pang lord o ng hari. Ito ay isang mutual obligation kung saan ang bawat antas ay may tungkulin (duty) sa nakatataas at may karapatan (benefit) mula sa nakatataas. Dahil dito, ang mga halagahang tulad ng loyalty (katapatan) at service (paglilingkod) ay naging sentro ng kultura ng Gitnang Panahon. Ang honor ng isang tao ay nakasalalay sa pagtupad niya sa kanyang obligasyon, at ang pagtaksil (treason o paglabag sa oath) ay itinuturing na pinakamabigat na kasalanan, na pinaparusahan nang mabigat (dito nagmula ang terminong felony bilang paglabag sa katapatan sa hari). Sa gayon, kahit walang malakas na burukrasya, napanatili ang kaayusan dahil sa personal na relasyon at panatang nabuo sa pagitan ng mga may-lupa at ng naglilingkod sa kanila.

Ekonomiya

    Ang ekonomiya ng panahong piyudal ay pangunahing agrikultural at self-sufficient. Umiikot ito sa sistemang manor, kung saan ang produksiyon ng pagkain at mga kagamitan ay ginagawa ng mga serf at magsasaka sa lokal na antas. Ang bawat manor ay kayang tustusan ang halos lahat ng kailangan ng komunidad: trigo at gulay mula sa bukid, karne mula sa alagang hayop, telang damit na hinabi mula sa lino o lana ng tupa, kahoy na panggatong mula sa kagubatan, atbp. Dahil dito, minimal ang pangangailangan para sa kalakalan sa malalayong lugar. Sa unang bahagi ng Gitnang Panahon, kaunti ang gamit ng salapi – kalakhan ng mga transaksiyon ay sa anyo ng barter o direktang palitan ng serbisyo at ani. Ang isang tipikal na manor ay itinuturing na self-sustaining unit at ang tawag nga ng mga historyador dito ay natural economy o ekonomiyang nakabatay sa likas na produksiyon. Ibig sabihin, “each feudal domain was sufficient unto itself; trade and exchange were absent and money was superfluous” (Engels, 1884). Limitado man ang kalakalan, mayroon pa ring mangilan-ngilang mga pamilihan o fare (fair) kung saan nagkikita ang mga tao mula sa iba’t ibang manor upang magpalitan ng produkto (hal. asin, bakal, o alak na maaaring wala sa sariling manor). Sa kabuuan, ang kakulangan ng malawakang kalakalan at urbanisasyon ang nagbigay ng impresyon sa panahong ito bilang “Dark Ages” sa ekonomiya, subalit ito rin ang nagpauso ng konsepto ng self-reliance ng maliliit na komunidad. Ang mga guild sa bayan at mga tagapamuno ng manor ay nagtakda ng presyo at pamantayan sa produksiyon sa kanilang lugar, kaya’t hindi pa bukas ang kompetisyon tulad ng sa kapitalismo. Gayunpaman, sa kabila ng kawalan ng dynamics ng ekonomiya, ang sistemang piyudal ay nakagawa ng stabilidad sa pamamagitan ng pagsusuplay ng pangangailangan ng populasyon sa loob ng maraming siglo.


Feudal System; Agriculture

Militar at Depensa

Knight Training
    Ang buong estruktura ng feudalismo ay maaari ring intindihin bilang tugon sa pangangailangang militar. Noong panahong iyon, palagiang banta ang mga pagsalakay mula sa labas ng Europa: nariyan ang mga Vikings na nananalakay mula sa hilaga (Scandinavia) sa pamamagitan ng dagat, ang mga Magyars na sumalakay sa gitnang Europa mula sa silangan, at ang mga puwersang Muslim (tulad ng mga Moors sa Espanya at mga piratang Saracen sa Mediterraneo) mula sa timog. Ang walang tigil na pananakop na ito noong ika-9 at ika-10 siglo ay nagdulot ng takot at ligalig. Dahil mahina ang mga dating kaharian upang protektahan ang lahat ng pamayanan, ang solusyon ay nagmula sa lokal na antas: ang mga lord ang nagtayo ng mga kastilyo at nagsanay ng mga kabalyero upang ipagtanggol ang kanilang lupa at mga nasasakupan. Ang mga kastilyo (castles) ay itinayo sa mga estratehikong lugar – madalas sa burol o tabi ng ilog – at pinalilibutan ng matataas na pader, tore, at minsan ay moat (kanal na mayroong tubig), upang maging tanggulan laban sa pag-atake. Kapag may nalalapit na panganib, ang mga karaniwang tao sa paligid ay maaaring sumilong sa loob ng kastilyo para sa proteksiyon. Naging epektibong depensa ito laban sa maliliit na grupo ng mananalakay. Samantala, ang kabalyero ang nagsilbing pangunahing yunit ng puwersang pandigma. Sila ay bihasang mga mandirigma na nakasuot ng bakal na baluti at nakasakay sa malalakas na kabayo, kaya nagkaroon ng diin sa cavalry sa pakikipagdigma sa halip na infantry. Sa katunayan, sa mga labanan mula ika-11 hanggang ika-13 siglo, ang nakabaluting knight ang kinatatakutang puwersa sa larangan. Bukod dito, ang pagbuo ng castle at ng sistemang fief ay nakatulong sa mabilis na mobilisasyon ng hukbo: bawat lord ay may sariling contingent ng knights at mga tauhan na handang tumugon sa panawagan ng hari o ipagtanggol ang kanilang manor. Ang resulta, ang Europa ay naging parang mozaik ng maliliit na hukbong nakapuwesto sa iba’t ibang kastilyo, na laging handa (at kadalasan ay nakikidigma rin sa isa’t isa). Ang kulturang militar na ito ay nababalutan din ng idealismo: ang mga Crusade (Banál na Digmaan) ay isang halimbawa kung saan ang mga kabalyero mula sa iba’t ibang lupain ay tumugon sa panawagan ng Simbahan na lumaban sa Middle East, dala ng kombinasyon ng pananampalataya at paghahangad ng karangalan at lupain. Sa loob ng lipunang feudal, ang digmaan ay karaniwan at bahagi ng buhay – “those who fought” (ang nobility at knights) ay itinuturing na isang pangunahing yaman ng kaharian.

Relihiyon

Divine Rights Concept
    Napakalaki ng impluwensya ng Simbahang Katoliko sa panahong piyudal. Sa kawalan ng iisang malakas na sekular na pamahalaan, ang Simbahan ang naging unifying force sa Kanlurang Europa. Ang Papa sa Roma at ang hierarchy ng Simbahan (mga obispo, arsobispo, pari, monghe) ay hindi lamang spiritual authority, kundi may temporal na kapangyarihan din. Maraming lupa ang pagmamay-ari ng Simbahan – sa katunayan, ang Simbahan ay naging isa sa pinakamalalaking panginoong maylupa. Maraming bishop at abbot (pinuno ng mga monasteryo) ang ginawang vassals din ng hari, binigyan sila ng fief, at bilang kapalit ay inaasahang magbibigay sila ng serbisyo (halimbawa ay magtalaga ng mga kawal mula sa mga nasasakupan ng simbahan kung kinakailangan). Dahil dito, ang clergy ay itinuturing na pangalawang pinuno (ang those who prayed) na kaakibat ng aristokrasya sa lipunan. Nagkaloob ang Simbahan ng legitimasyon sa mga pinuno: ang seremonya ng coronation ng hari ay pinangungunahan ng mataas na klero, na para bang binabasbasan ng Diyos ang karapatan ng hari na mamuno (Divine Right concept). Ang mga lord at hari naman ay sumusuporta sa Simbahan, nagtataguyod ng pagtatayo ng mga katedral at monasteryo, at nangakong ipagtatanggol ang pananampalataya. Naging gabay moral ang Simbahan at institusyon ng edukasyon (karamihan sa marunong bumasa at sumulat ay mula sa hanay ng mga pari o monghe). Sa pang-araw-araw na buhay, nakapaligid sa kalendaryo ang mga kapistahan at banal na araw; maraming panata at ritwal ang ginawa upang hingin ang patnubay ng Diyos sa gitna ng digmaan at peste. Gayunpaman, ang Simbahan din ay nagtamasa ng pribilehiyo – hindi sila nagbabayad ng buwis sa hari at may sariling hukuman (Canon Law) para sa kanilang mga tauhan. Dahil dito, may pagkakataong nagkaroon ng tunggalian sa pagitan ng simbahan at estado (hal. tunggalian ng Papa at mga emperador sa Holy Roman Empire, o ng hari ng Inglatera at ng obispo tulad ng kay Thomas Becket). Sa kabuuan, ang relihiyon ay hindi lamang espiritwal na usapin kundi bahaging integrál ng sistemang piyudal: “the Church’s vast landholdings and command of loyalty made it a parallel pillar of authority alongside kings and nobles” (Netchev, 2022). Tinanggap ng mga tao ang konsepto na ang kaayusan ng lipunan ay itinalaga ng Diyos – mula sa hari hanggang sa serf, tinanggap na ito ang kani-kanyang “nakatalagang” posisyon (minsan tinatawag na Great Chain of Being). Ang ganitong pananaw ang tumulong upang manatiling matatag ang sistemang feudal sa kabila ng hindi pagkakapantay-pantay, dahil itinuturing ito bilang bahagi ng banal na kaayusan.

Mahalagang Labanan/Pagsubok

Bagama’t nagdulot ng kaayusan ang feudalismo sa masalimuot na panahon, hindi ito perpektong sistema. Maraming hamon at tunggalian ang lumitaw sa ilalim ng sistemang ito:

  • Patuloy na digmaan at karahasan - Ang panahon ng piyudalismo ay punong-puno ng mga lokal na labanan at digmaan sa pagitan ng mga kaharian at mga panginoong maylupa. Dahil maraming mga maliliit na estado at teritoryo, madalas na naglalaban-laban ang mga lord para sa lupa, kapangyarihan, o personal na alitan (feuds). Ang kawalan ng nag-iisang pinuno (central authority) ay nagresulta sa “perpetual state of domestic warfare” sa maraming lugar. Halimbawa, sa loob ng Pransiya at Alemanya, karaniwan ang awayan ng mga dukado at county. May mga panahong ang mga magsasaka ay laging nabubuhay sa takot dahil maaaring masunog ang kanilang bukid kapag nagbanggaan ang mga rival lords. Sa mas malaking saklaw, ang mga kaharian tulad ng England at France ay nakikipagdigma din (tulad ng Hundred Years’ War noong 1337–1453) dahil sa pinag-aagawang trono at teritoryo, na masasabing epekto rin ng pagkakabit ng usaping feudal sa usaping pampolitika. Dahil dito, bagaman may kaayusan sa lokal na antas, malawakang kaguluhan pa rin ang sumiklab sa kabuuan ng Europa sa iba’t ibang panahon. Dumating sa punto na maging ang Simbahan ay nagtangkang pahupain ang karahasan sa pamamagitan ng mga kautusang gaya ng “Truce of God” (na nagbabawal lumaban sa mga banal na araw) – patunay na talamak ang karahasang dinaranas ng lipunan. Sa paglipas ng panahon, unti-unting naunawaan ng marami na ang walang katapusang away ng mga lord ay sagabal sa kaunlaran; nagsimulang manawagan ang ilan na itigil ang walang saysay na pagdanak ng dugo at bigyang-daan ang mas matatag na pamahalaan.

Domestic Warfare; Digmaan
  • Limitadong kalayaan at karapatan ng mga magsasaka (Serfdom) - Isa sa pinakamalaking isyu ng sistemang piyudal ay ang kawalan ng kalayaan ng napakaraming tao na nasa antas ng serf. Ang mga serf ay nakatali sa lupa na kanilang sinasaka at sa kanilang panginoon sa pamamagitan ng batas at kaugalian. Ipinanganak ka bilang serf, maliban na lang kung ito ay kusang pinalaya (manumission) o ang isang serf ay tumakas, mananatili kang serf habang buhay. Sila ay itinuturing na bahagi ng “pag-aari” ng manor – kung ipinagbili o ipinasa ang manor sa ibang lord, kasama sa “lipat” ang mga serf na nakatira doon. Wala silang boses sa pamahalaan o karapatang politikal. Ang edukasyon para sa kanila ay halos wala; nakatuon ang kanilang buhay sa pagsasaka at pagtupad ng utos ng lord. Madalas ay labis ang pabigat na gawain at buwis na ipinapataw sa kanila – maaaring kunin ng lord ang malaking bahagdan ng ani, at pinagbabayad pa sila ng iba’t ibang fees (hal. para sa paggamit ng gilingan ng lord, o sa pagpapakasal). Sinasabi nga ni Jean Froissart noong 14th century na sa Inglatera, “ang mga serf ay nakagapos sa batas at kaugalian na mag-araro sa bukid ng kanilang mga panginoon, anihin ang ani, ipasok sa kamalig, at gawin ang lahat ng uri ng trabahong iniuutos sa kanila”. Ang ganitong kalagayan ay nagdulot ng maraming paghihimagsik ng mga mambubukid sa huli nang bahagi ng Middle Ages, tulad ng Peasants’ Revolt sa England noong 1381, kung saan sumigaw ang mga lider ng “When Adam delved and Eve span, who was then the gentleman?” – na nagtatanong kung bakit may mga panginoon gayong pantay-pantay ang tao sa simula pa lang ayon sa Bibliya. Bagaman malupit na sinupil ang mga pag-aalsang ito, ipinakita nito na malaking isyu ang serfdom. Sa pagdating ng Black Death at iba pang pagbabagong demograpiko, unti-unting gumuguho ang serfdom habang dumarami ang pagkakataon para sa mga magsasaka na makaalis sa gapos ng manor.

Serfdom
  • Tensiyon sa pagitan ng Hari at ng Maharlika - Ang balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng monarkiya at ng kanyang mga vassal ay palaging maselang usapin. Dahil ang mga hari ay umaasa sa suporta ng mga maharlika para sa hukbong sundalo at buwis, hindi sila maaaring masyadong absolute o mahigpit sa kanilang paghahari. Gayunpaman, may mga haring nagtangkang palawakin ang kanilang kontrol, at dahil dito ay sumiklab ang alitan sa aristokrasya. Pinakatanyag na halimbawa nito ang nangyari sa Inglatera na nagbunsod sa pagpirma ng Magna Carta noong 1215. Si King John ng Inglatera ay napilitang humarap sa mga rebeldeng baron na hindi nasiyahan sa kanyang malupit na pamumuno at mabigat na buwis. Ang solusyon ay isang kasunduan: “ang Magna Carta, o Great Charter, ay nilagdaan ni King John bilang isang peace treaty kasama ang kanyang mga baron – ginagarantiyahan nito na igagalang ng hari ang mga karapatan at pribilehiyo ng mga feudal lords, pangangalagaan ang kalayaan ng Simbahan, at susundin ang mga batas ng kaharian” (HISTORY.com Editors, 2025). Dito unang nasulat na ang hari ay kailangan ding sumunod sa batas. Bagaman orihinal na layunin ng Magna Carta ay protektahan ang interes ng mga maharlika (hal. clause na nagbabawal sa hari na kumolekta ng buwis na walang pahintulot ng council ng mga baron, at pagpapabilis ng hustisya sa pamamagitan ng fair trial sa mga peers), naging napakahalaga nito sa kalaunan. Hindi agad nagtagumpay ang Magna Carta na pigilan ang abusadong hari (binaliwalang muli ni King John ang charter at nagkaroon pa rin ng digmaang sibil pagkatapos ng 1215), ngunit ang re-issue ng Magna Carta sa mga sumunod na taon at ang simbolismo nito ay tumatak sa kamalayan ng Europa. Ito ang unang malaking paghihigpit sa absolute na kapangyarihan ng monarka. Sa Pransiya at iba pang kaharian, may mga katulad ding pangyayari (halimbawa, ang pagbuo ng parliament o konseho ng mga estado sa iba’t ibang bansa upang bigyan ng boses ang mga maharlika at klero sa pagdedesisyon). Sa madaling sabi, lumikha ang feudal setup ng built-in conflict: ang hari ay apex ng pyramid ngunit kailangan niya ang kooperasyon ng mga nasa ibaba; kung masyadong malakas ang hari, magrerebelde ang mga lord, at kung masyadong malakas ang mga lord, mawawalan ng saysay ang awtoridad ng hari. Itong tensiyon na ito ay nagpatuloy hanggang unti-unti nang lumitaw ang konsepto ng makabagong estado kung saan may mas balanseng kapangyarihan at may konsepto ng batas na sumasaklaw kahit sa pinuno. Legacy ng Magna Carta: Itinuturing ang Magna Carta bilang unang hakbang tungo sa konstitusyonal na pamahalaan – “implied there were laws the king was bound to observe, thus precluding any future claim to absolutism” (HISTORY.com Editors, 2025). Ang prinsipyong ito (na walang sinuman, kahit ang hari, ang nasa ibabaw ng batas) ay naging pundasyon ng demokrasya sa kanluranin paglipas ng mga siglo.

Magna Carta

    Sa pangkalahatan, ang sistemang feudal ay nakaharap sa mga hamon mula sa loob (hindi pagkakasundo ng mga uri at alitan ng interes) at mula sa labas (mga pananakop, pagbabago sa ekonomiya). Ito ay static sa mahabang panahon ngunit hindi immune sa pagbabago, lalo na nang magsimulang lumitaw ang mga puwersang tutuldok sa dominasyon nito bandang dulo ng Middle Ages.

Pagbagsak ng Feudalismo

    Walang nananatili magpakailanman, at gayundin ang feudalismo sa Europa ay unti-unting humina at bumagsak habang papalapit ang pagtatapos ng Gitnang Panahon. Maraming salik ang nag-ambag sa pagpatak ng sistemang ito:

  • Pag-usbong ng mga malalakas na hari at sentralisadong monarkiya

Centralized Monarchy

    Habang tumatagal, ang ilang mga haring Europeo ay nakahanap ng paraan upang palakasin ang kanilang kapangyarihan at pagsamahin ang mga magkakawatak na lupain sa ilalim ng iisang pamumuno. Sa ika-12 at lalo na sa ika-15 siglo, nagsimulang umusbong ang mga nation-states – mga kaharian na mas sentralisado at may pambansang identidad (halimbawa, ang Pransiya sa ilalim ni Haring Louis XI, Espanya matapos pagsamahin nina Ferdinand at Isabella, at ang Inglatera matapos ang Wars of the Roses). Gumamit ang mga monarkiya ng iba’t ibang taktika - pakikipag-alyansa sa simbahan at mga bayan, pagwasak sa mga kastilyo ng mga pasaway na baron, at pagpapahusay ng administrasyon (pagtalaga ng mga opisyal na direktang tapat sa hari). Natuto rin ang mga hari na gumamit ng Roman Law at mga propesyonal na tagapayo (mga jurists o tagapaghayag ng batas) upang bigyang-katwiran ang kanilang awtoridad sa mga feudatories. Sa gayon, “the monarchy represented order in chaos, the developing nation against the fragmentation into rebellious vassal-states” (Engels, n.d.). Naging kakampi ng mga hari ang lumalaking bourgeoisie (mga mangangalakal at tagalungsod) na sawa na rin sa kaguluhan ng mga pribadong digmaan ng mga lord. Mula pa ika-10 siglo, may alliance na nabubuo sa pagitan ng hari at ng mga tao sa bayan - ang hari ay nangangailangan ng yaman at buwis mula sa kalakalan ng mga lungsod, at ang mga lungsod naman ay nangangailangan ng proteksiyon ng hari laban sa pananamantala ng lokal na maharlika. Unti-unti, sa tulong ng mga bayang may sariling hukbo at salapi, napangibabawan ng mga hari ang mga dating katunggaling maharlika. Sa ika-15 siglo, sa maraming bahagi ng Kanlurang Europa, ang feudal lords ay napasailalim na sa awtoridad ng isang central government. Halimbawa, nang magtatag si Haring Charles VII ng permanent army sa Pransiya at sistematikong pagbubuwis (taille) matapos ang Hundred Years’ War, lumiit ang dependensiya niya sa mga pribadong hukbo ng mga nobility. Nagpapahiwatig ito ng pagtatapos ng “feudal” na paraan ng digmaan at pamamahala, papunta sa mas organisadong bureaucratic state.
  • Paglago ng kalakalan at pag-usbong ng mga bayan (towns)

Commercial Economy

    Ang muling pagsigla ng kalakalan mula ika-11 siglo (pangunahin sa Italya at Flanders) at ang muling pagdami ng mga bayan at lungsod ay kumalaban sa sistema ng pundasyon ng feudalismo. Ang mga bayan ay karaniwang nasa labas ng direktang kontrol ng mga lord – kalimitan, binibigyan sila ng town charters na nagkakaloob ng karapatang mag-self-govern kapalit ng pagbabayad sa hari o lord. Sa paglaganap ng mga merchant guilds at craft guilds, nabuo ang isang middle class na hindi akma sa lumang pyudal na hati (hindi sila maharlika pero hindi rin serf – sila’y malaya at nakaluluwag sa buhay dahil sa kalakalan). Sa lungsod, hindi lupa ang basehan ng yaman kundi salapi at kalakal. Dito muling lumaganap ang paggamit ng pera (money economy) - ang pagbabayad ng upa sa lupa ay unti-unti nang naging pera imbes na produkto o serbisyo, ang mga mangangalakal ay nagpayaman sa pamamagitan ng bentahan, at maging ang mga lord ay kinailangang humingi ng pera (halimbawa, pang-ransom o pandagdag gastos sa gera) – minsan sa mga loan mula sa bankers ng Italya. Sabi nga ng isang mananalaysay, “long before the ramparts of baronial castles were breached by cannon, they had been undermined by money” (Engels, n.d.). Ang urban revolution na ito ay nagbigay ng alternatibong buhay sa mga serf: kung dati ay sa bukid lang sila nakatali, ngayon ay may opsyon silang tumakas papunta sa bayan at doon magtrabaho (may kasabihan pa nga: “Stadtluft macht frei” – ang hangin sa lungsod ay nagpapalaya, dahil kung ang serf ay nakatakas sa lungsod at di nahuli ng isang taon at isang araw, nagiging malaya siya ayon sa ilang batas). Kahit sa mga nanatiling magsasaka, dumami ang naging tenant farmers imbes na serf – ibig sabihin, nagbabayad sila ng upa sa lupa sa salapi at maaari silang umalis kung gugustuhin (di gaya ng serf). Ang mga syudad din ay naghandog ng bagong kultura at edukasyon (dito nabuhay ang mga unang unibersidad sa Europa noong ika-12 siglo). Sa kabuuan, kinain ng lumalawak na kalakalan at urbanisasyon ang pundasyon ng feudalismo: ang ekonomiyang nasa manor at ang awtonomiya ng mga lokal na lord ay hinamon ng pamilihan at ng pambansang interes. Noong ika-15 siglo, ang mga lungsod ay naging mas makapangyarihan pa kaysa sa maraming maharlika, at “everywhere cities with their anti-feudal interests and armed citizenry had wedged themselves into feudal territories”. Ang dating nakagawiang natural economy ay napalitan ng commercial economy – at sa pagdating ng panahong Renaissance, pumaimbulog ang maagang kapitalismo at merkantilismo, na mga sistemang di na angkop sa lumang pamahalaang pyudal.
  • Ang Black Death at pagbabago sa balangkas ng lipunan

Black Death

    Isa sa mga hindi inaasahang salik ng pagbagsak ng feudalismo ay ang Black Death o Ang Itim na Kamatayan, ang pandemya ng bubonic plague na tumama sa Europa noong 1347–1351. Dahil sa salot na ito, tinatayang nawala ang 25-30 milyon katao sa Europa – halos isang-ikatlo ng populasyon ang namatay. Ang agarang epekto nito ay kakulangan sa manggagawa sa mga bukid at manor. Biglang lumiit ang bilang ng mga serf at magsasaka na inaasahan ng mga lord. Dahil dito, ang supply ng paggawa ay bumagsak at ang demand para sa natitirang trabahador ay tumaas – ito ang nagtulak sa pamilihan na tumaas ang sahod at mas gumanda ang bargaining power ng mga nananatiling buhay na mga peasants. Maraming serf ang nakatakas sa kanilang pagkaalipin dahil handang magbayad nang higit ang ibang lord o lungsod para sa kanilang serbisyo. Naging pangkaraniwan ang tenant farming kung saan nagbabayad na lang ng upa sa lupa ang magsasaka imbes na maging serf na hindi na makaalis. Ang dating mahigpit na hirarkiya ay nabuwag nang kaunti – may pagkakataon na ngayon ang mga nasa ibaba na humingi ng mas mabuting kondisyon. Sa ilang lugar, nagkaroon ng kakulangan ng aristokrata rin, kaya may mga commoner na naitaas ang ranggo para punan ang vacuum (hal. mga matatagumpay na merchant na naging bahaging gentry sa kanayunan). Bagaman sinikap ng mga may-lupa na pigilan ito sa pamamagitan ng batas (tulad ng Statute of Labourers 1351 sa England na nagtatakda ng maximum wage na katumbas lang ng pre-plague level), hindi napigilan ang pangmatagalang pagbabago. “The labor shortages weakened the feudal system, as lords struggled to maintain control over their lands and serfs” (Black Death Effects to Know for European History – 1000 to 1500, n.d.). Sa wakas, ang Black Death ay hindi lang trahedyang pantao kundi catalyst ng socio-economic transformation kung saan pinabilis nito ang pagguho ng serfdom sa Kanlurang Europa (bagama’t sa Silangang Europa, kabaligtaran, panandaliang tumibay ang serfdom pagkatapos ng salot). Nagbunsod din ito ng pagdududa sa mga nakagawiang institusyon (maging ang Simbahan ay natanong dahil hindi napigilan ang salot), na naglatag ng isipan sa mga tao tungo sa pagbabago at Renaissance.
  • Paglitaw ng bagong uri ng ekonomiya

Kapitalismo; Merkantalismo; Capitalism; Mercantilism

    Sa pagpanaw ng pyudal na kaayusan, sumisilang ang bagong mga prinsipyo ng ekonomiya – maagang kapitalismo at merkantilismo. Sa huling bahagi ng Middle Ages at pagsapit ng ika-16 siglo, ang pokus ng yaman ay hindi na lamang sa pagmamay-ari ng lupa, kundi sa kalakalan, ginto at pilak, at produktibidad. Ang mga bansa tulad ng Espanya, Portugal, Netherlands, at England ay sumuong sa eksplorasyon at kalakalan sa labas ng Europa, na isang bagay na wala sa saklaw ng feudalismo (na pangkasalukuyan lang at lokal). Ang mga bourgeois (nakapagpayamang mangangalakal) ay naging mas makapangyarihan at nakapag-impluwensya sa pamahalaan. Napalitan ng konsepto ng national economy ang localized economy ng manor – dito na pumasok ang pag-iisip na ang layunin ng estado ay paunlarin ang kabuhayan ng buong bansa sa pamamagitan ng pag-iipon ng yaman (merkantilismo) at paglinang ng industriya at kalakalan. Ang transpormasyon na ito ay bahagi ng pagtahak ng Europa mula sa medieval patungo sa modernong panahon.

    Bawat isa sa mga salik na ito ay gumuhit sa mga hiblang panlipunan at pampulitikal ng feudalismo. Sa pagpasok ng Renaissance (ika-14 hanggang ika-16 na siglo) – isang panahon ng muling pagsilang sa sining, kultura, at pag-iisip – halos nakabaon na sa kasaysayan ang nakaraang kaayusan. Ang mga dating kastilyo ay naging labi o monumento na lamang, ang mga dating serf ay naging malayang magsasaka o manggagawa na sa bayan, at ang awtoridad ay unti-unting lumipat mula sa mararaming maliliit na panginoon tungo sa iilang malalakas na bansa sa ilalim ng makakapal na pamahalaan.

Konklusyon

    Sa kabuuan, ang feudalismo ay nagsilbing pundasyon ng lipunan at pamahalaan ng Medieval Europe. Nagbigay ito ng istruktura at kaayusan sa panahon ng kaguluhan matapos ang pagbagsak ng Imperyong Romano, subalit unti-unti rin itong humina habang lumalakas ang kapangyarihan ng mga hari, lumalago ang kalakalan, at umuusbong ang mga bayan.

    Iniwan nito ang mahahalagang pamana - ang diwa ng katapatan at serbisyo na naging bahagi ng mga institusyong politikal at militar; ang Magna Carta na naglatag ng prinsipyo ng batas na saklaw kahit ang pinuno; at ang pag-usbong ng mga bayan na nagbukas ng landas tungo sa Renaissance at sa modernong lipunan.

    Bagama’t makaluma at hindi makatarungan, ang feudalismo ang nagbigay ng stabilidad at naglatag ng kundisyon para sa pagbabago. Pinapaalala ng kasaysayan nito na ang mga institusyon ay may simula at katapusan, ngunit ang mga aral ng katapatan, batas, at pagsusumikap ay patuloy na gumagabay sa atin hanggang ngayon.

Mga Sanggunian: 

Feudalism in Europe | World History. (n.d.). The History Cat. https://www.thehistorycat.com/world-history-a-2/feudalism-in-europe

McIntosh, M. (2017, February 23). The Collapse of the Middle Ages Brewminate: a bold blend of news and ideas. Brewminate: A Bold Blend of News and Ideas. https://brewminate.com/the-collapse-of-the-middle-ages/

The development and characteristics of feudalism | The Middle Ages Class Notes | Fiveable. (n.d.). Fiveable. https://fiveable.me/the-middle-ages/unit-5/development-characteristics-feudalism/study-guide/r5GGT2cUUoyRn1GG

HISTORY.com Editors. (2025, January 31). King John puts his seal on Magna Carta | June 15, 1215 | HISTORY. HISTORY. https://www.history.com/this-day-in-history/june-15/magna-carta-sealed

Black Death Effects to know for European History – 1000 to 1500. (n.d.). https://fiveable.me/lists/black-death-effects

Engels, F. (n.d.). The decline of feudalism and the rise of the bourgeoisie. https://marxists.architexturez.net/archive/marx/works/1884/decline/index.htm



Comments

Popular posts from this blog

Mga Imperyong umusbong sa India: Imperyong Maurya, Gupta at Mughal

Kasaysayan ng Imperyong Byzantine: Pinagmulan at Pagbagsak

Ang Krusada: Sanhi, Epekto, at Mahahalagang Aral sa Kasaysayan