Alokasyon: Iba't-ibang Sistemang Pang-ekonomiya
- Get link
- X
- Other Apps
Iba’t-ibang Sistemang Pang-Ekonomiya
Ang bawat bansa ay mayroong sariling paraan upang matugunan ang pangunahing suliranin ng ekonomiks na kakulangan ng likas na yaman kaya naman nararapat na magkaroon ang mga ito ng pinaiiral na sistemang pang-ekonomiya na nakabatay sa sariling ekonomiya ng bansa. Ang sistemang pang-ekonomiya ay sumasaklaw sa mga mekanismo, istruktura at institusyon na ginagamit at pinaiiral sa pagsasagawa ng gawaing pamproduksyon at maging matagumpay, pantay at makatarungan ang pagsasakatuparan ng alokasyon.
Mga Sistemang Pang-Ekonomiya
Sistemang Pamilihan o Market Economy
Ang mga pribadong tao o indibidwal ang may malaking gampanin sa ganitong uri ng sistemang pang-ekonomiya sapagkat ito ay naaayon sa doktrina ni Adam Smith na Laissez Faire o “leave alone” policy kung saan ang pamahalaan ay walang kontrol sa pagpapasya at pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa at tanging pagsisiguro lamang na napangangalagaan ang karapatan ng dalawang panig ang kanyang gampanin o responsibilidad.
Ang sistemang ito ay tinatawag din bilang Free Enterprise o Malayang Kalakalan sapagkat ang bawat isa ay maaaring magmay-ari sa sistemang ito at malaya ang kompetisyon sa pagitan ng bawat nagbibili o supplier.
Ang sistemang ito ay nakapaloob sa ideolohiya ng Kapitalismo na umusbong sa panahon ng rebolusyong industriyal na nagbigay daan sa pagkilala ng kakayahan ng pribadong sektor na mapaunlad ang ekonomiya ng isang bansa. Sinasabing ayon sa ideolohiyang ito ay desentralisado ang pagbuo ng desisyon tungkol sa ekonomiya dahil sa konsepto ng “invisible hands” o hindi dapat makialam ang pamahalaan. Tanging ang galaw o gawi ng konsyumer at prodyuser ang magtatakda ng presyo sa pamilihan. Malaya ring magpayaman ang bawat isa nang walang limitasyon sapagkat ang pangunahing layunin ng sistemang ito ay magkaroon ng malaking kita samantalang maliit naman ang kita o sahod na natatanggap ng mga mangagawa.
Estados Unidos, Italya, Hapon. Gresya at Alemanya ang ilan sa mga bansa na nagpapairal ng ganitong uri ng sistemang pang-ekonomiya.
Sistemang Ipinag-uutos o Command Economy
Ito ang sistema ng ekonomiya na kabaligtaran ng nauna. Sa sistemang ito ay nasa kamay ng gobyerno ang pamamalakad at pangangasiwa sa takbo ng ekonomiya ng isang bansa. Sila rin ang maaaring bumuo ng desisyon ukol dito kaya naman mailalarawan ito bilang sentralisado. Tanging pamahalaan ang may kontrol sa lahat ng salik ng produksyon, sila rin ang magdidikta ng mga produkto at serbisyo na ipagbibili at mawawala rin ang mga pribadong pagmamay-ari o private property.
Hindi gaya ng Market Economy na ang pangunahing layunin ay ang kita o profit ang pangunahing layunin sa uri ng sistemang ito ay pantay na maipamahagi ang mga pangangailangan ng bawat isa upang maiwasan ang pagakakaroon ng produkto o serbisyo na labis sa pangangailangan ng isang indibidwal.
Ang sistemang ito ay nakapaloob sa ideolohiya ng Komunismo na pinakilala nina Karl Marx at Friedrich Engels sa kanilang aklat na Communist Manifestoo at Das Kapital. Naniniwala si Marx na ang pagtanggal ng private property ay magbibigay katuparan sa isang Classless Society.
Sinasabing walang bansa ang nakarating sa Full Communism ngunit ang Russia, China, Cuba at North Korea ang ilan sa mga bansa na nagnais na maisakatuparan ang sistema ng komunismo ngunit matapos bumagsak ang Soviet Union, humina na at unit-unting naglaho ang ideolohiyang ito.
Sistemang Pinaghalo o Mixed Economy
Ito ang uri ng sistemang pang-ekonomiya na umiiral sa maraming bansa sa kasalukuyan. Ang sistemang ito ay pinaghalo ang katangian ng dalawang naunang sistema. Parehong ang mga pribadong tao o indibidwal at pamahalaan ang mayroong mahalagang papel na ginagampanan sa pagpapatakbo at pagpapalago ng ekonomiya ng isang bansa.
Sa sistemang ito, maaaring mag may-ari ng mga salik ng produksyon ang mga pribadong indibidwal habang layunin naman ng pamahalaan na gumawa ng mga programa at proyekto na magpapaunlad o magpapalago sa ekonomiya. Ang preso ng mga produkto at serbisyo ay nakabatay sa galaw ng konsyumer at prodyuser ngunit kinakailangang ito ay nababalanse ng pamahalaan upang mapabuti ang alokasyon ng limitadong resorses.
Ang sistemang ito ay naka-angkla sa ideolohiya ng sosyalismo na may hangaring magkaroon ng Welfare state o pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan. Sinasabing dahil walang kakayanan ang mga pribadong indibidwal—gayon din ang pamahalaan na patakbuhin at paunlarin ang ekonomiya kung sila ay nag-iisa lamang ang pangunahing dahilan ng pagpapatupad ng mixed economy o sistemang pinaghalo kung saan ang pagmamay-ari at pagpapalago ng yaman ay kolektibo at pinagtutulungang maisakatuparan ng gobyerno at ng mga pribadong indibidwal.
Mga Sanggunian
Balitao, B. R., Buising, M. D., Garcia, E. D. J., De Guzman, A. D., Lumibao, J. L., Mateo, A. P., & Mondejar, I. J. (2015). Ekonomiks 10: Modyul Para sa Mag-aaral (Unang Edisyon ed.). Vibal Group Inc.
Bon, C. B., & Bon, R. R. (2015). Ekonomiks sa Makabagong Panahon. Jo-Es Publishing House.
Egipto, M. D. G., Villoria, L. B., & Ibanez, C. M. (2015). Pagtanaw at Pag-unawa. Diwa Learning System.
Imperial, C. M., Antonio, E. D., Dallo, E. M., Samson, M. C. B., & Soriano, C. D. (2015). KAYAMANAN: Ekonomiks. Rex Bookstore.
Imperial, C. M., Antonio, E. D., Samson, M. B., Dallo, E. M., & Soriano, C. D. (1999). Pagbabago (Unang Edisyon ed.). Rex Bookstore.
- Get link
- X
- Other Apps
Comments
Post a Comment