Ang mga Salik ng Produksyon
- Get link
- X
- Other Apps
Ang mga Salik ng Produksyon
Ang proseso ng produksyon ang maituturing na isa sa pinakamahalagang aktibidad o gawaing pang-ekonomiya sapagkat ito ang lumilikha ng serbisyo at produkto na kinakailangan upang matugunan ang mga pangangailangan ng tao. Mayroong apat na salik na kinakailangan upang matagumpay na maisagawa ang proseso ng produksyon. Una ay ang kapital; Ikalawa ay ang Lakas-Paggawa; Ikatlo ay ang Lupa; at ang panghuli ay ang Kakayahang Pang-entreprenyur. Kinakailangang tandaan na ang anumang pagbabago sa halaga ng mga produksyon na ito ay mayroon ding direktang epekto sa halaga ng produkto o serbisyo pagdating nito sa pamilihan.
Kapital
Ang kapital bilang isa sa mga salik ng produksyon ay tumutukoy sa mga kagamitan o equipment at mga makinarya na kinakailangan upang mabuo ang isang produkto o maisagawa ang isang serbisyo.
Hal. Ang mga upuan, lamesa, blackboard, chalk at iba pa na kinakailangan upang maisakatuparan ang serbisyong pang-edukasyon.
Lupa
Tinutukoy sa salik na ito ang lahat ng mga likas na yaman na pagmamay-ari ng isang bansa. Dahil dito ay nagkakaroon ng kaganapan ang pagtatayo ng pabrika, planta at iba pang impraestruktura na kinakailangan upang mabuo ang produkto o maisagawa ang serbisyo. Masasabing ang lupa ay hindi mapapalitang yaman ng isang bansa na tanging pinagmumulan ng lahat ng hilaw na materyales na kinakailangan sa produksyon.
Ang salik na ito ay maaaring tayuan ng iba’t ibang impraestruktura tulad ng gusali, planta, pabrika, tanggapan, sakahan, minahan at iba pa.
Hal. Ang mga hilaw na materyales na kinakailangan sa paglikha ng bulak. Kasama rin dito ang mismong lupa o lokasyon na pagtatayuan ng pabrika o anumang impraestruktura sa pagawaan ng produksyon.
Paggawa
Tinutukoy sa salik na ito ay ang lakas ng mga tao o manggagawa na may sapat na kakayahan, abilidad at talino upang makapag-ambag sa proseso ng produksyon. Malaki ang ginagamapanang papel ng lakas-paggawa sa pagbuo ng produkto o paglikha ng serbisyo sapagkat mananatiling walang pakinabang ang mga hilaw na materyales at walang kabuluhan ang iba pang salik ng produksyon kung wala ang mga tao na lilikha o lilinang sa mga ito upang makapagbigay ng higit na kasiyahan sa mga konsyumer.
Ang lakas paggawa o tinatawag din bilang yamang-tao ay nahahati sa dalawang uri, ito ay maaaring pisikal na lakas-paggawa na ang mga halimbawa ay ang mga trabahador sa pabrika o factory workers, construction workers, tsuper o jeepney drivers at iba pa. Ang mga manggagawang nabibilang sa pisikal na lakas paggawa ay nahahati rin sa tatlo pang uri: (1) may kasanayan o skilled; (2) may kaunting kasanayan o semiskilled; at (3) walang kasanayan o unskilled. Samantala, ang mga guro, doktor, lawyer, engineer ay maituturing namang nabibilang sa mental na lakas paggawa.
Sahod o suweldo ang tinatawag sa bayad kapalit ng lakas-paggawa ng mga indibidwal na ito.
Hal. Ang mga duktor, nars, medical technologist, janitor ay nabibilang sa lakas-paggawa upang makapagbigay ng serbisyong medikal ang mga ospital.
Kakayahang Pang-Entreprenyur
Ang huling salik na Kakayahang pang-Entreprenyur ay tumutukoy sa kakayahan ng isang indibidwal o entreprenyur na pamunuan ang proseso ng produksyon. Tinatawag din ang mga entreprenyur na ito bilang “Kapitan ng Industriya” dahil sa mga sumusunod na dahilan:
Taglay niya ang mga katangian na kinakailangan upang mapamunuan ng isang negosyo.
Siya ang lumilinang ng iba pang salik ng produksyon upang makabuo ng produkto o negosyo na tutugon sa mga pangangailangan ng tao.
Siya ang lumilikha ng desisyon sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa proseso ng produksyon.
Ang entreprenyur ang tinuturing na pinakaulo ng proseso ng produksyon dahil nasa kanyang kamay ang tagumpay at kabiguan ng proseso ng produksyon kaya naman nararapat na taglayin niya ang mga sumusunod na katangian ng isang mahusay na entreprenyur.
Malakas ang loob
Bukas ang isipan
Matatag
Matalino
Responsible
May malawak na pananaw
Handang tumanggap ng mga pagbabago
Upang lubusang maintindihan ang mga salik ng produksyon ay tignan ang halimbawa sa ibaba:
Ang isang negosyante na magtatayo ng pribadong ospital ay nangangailangang magmay-ari ng isang Lupa kung saan itatayo ang mga impraestruktura. Kinakailangan din niyang mamili ng mga kagamitan o mga medical equipments tulad ng hospital bed, x-ray machine, microscope, incubator at iba pa. Nararapat din na siya ay mangalap ng mga manggagawa na mayroong kakayahan, abilidad at talino na makatutulong upang makapagbigay ng maayos na serbisyong medikal at higit sa lahat, bilang ulo ng prosesong ito, ang negosyante o mamumuno sa ospital ay nararapat na nagtataglay ng lakas ng loob, talino, tatag at may bukas na isipan.
Mga Sanggunian
Balitao, B. R., Buising, M. D., Garcia, E. D. J., De Guzman, A. D., Lumibao, J. L., Mateo, A. P., & Mondejar, I. J. (2015). Ekonomiks 10: Modyul Para sa Mag-aaral (Unang Edisyon ed.). Vibal Group Inc.
Bon, C. B., & Bon, R. R. (2015). Ekonomiks sa Makabagong Panahon. Jo-Es Publishing House.
Egipto, M. D. G., Villoria, L. B., & Ibanez, C. M. (2015). Pagtanaw at Pag-unawa. Diwa Learning System.
Imperial, C. M., Antonio, E. D., Dallo, E. M., Samson, M. C. B., & Soriano, C. D. (2015). KAYAMANAN: Ekonomiks. Rex Bookstore.
Imperial, C. M., Antonio, E. D., Samson, M. B., Dallo, E. M., & Soriano, C. D. (1999). Pagbabago (Unang Edisyon ed.). Rex Bookstore.
- Get link
- X
- Other Apps
Comments
Post a Comment