Ang Paikot na Daloy ng Ekonomiya: Ang Market Flow

 Paikot na Daloy ng Ekonomiya

Hindi gaya ng pag-aaral ng gawi o daloy ng lipunan, madaling mailarawan ang kaganapan sa buong ekonomiya sa pamamagitan ng paikot na daloy ng mga produkto at serbisyo. Makatutulong sa gawaing ito ang konsepto ng circular flow ni Francois Quesnay batay sa kanyang Tableau Economique.

Sa isang payak na pananaw, makikita ang daloy ng mga produkto at serbisyo sa sa pagitan ng sambahayan, pamilihan at bahay-kalakal.

Tignan ang mga modelo ng daloy ng ekonomiya sa ibaba:


  1. Paikot na Daloy ng Produkto at Serbisyo

Pinakikita sa daloy na ito na magiging balanse ng ekonomiya dahil sa interaksyon ng dalawang sektor—ang sambahayan at ang bahay kalakal. Makikita na ang mga salik ng produksyon na kinakailangan ng bahay kalakal ay nakukuha mula sa sambahayan. Kailangan ito ng bahay kalakal upang makalikha ng mga yaring produkto na siya ring kinokonsumo ng sambahayan. 


  1. Paikot na Daloy ng Salapi

Pinakikita naman dito ang dalawang daloy sa pagitan ng sambahayan at ang bahay-kalakal. Pinakikita sa panloob na daloy ang interaksyon ng sambahayan na pinanggagalingan ng mga salik ng produksyon na kinakailangan ng bahay-kalakal upang makalikha ng mga yaring produkto na ikokonsumo rin ng sambahayan. 


Samantala, sa panlabas na daloy naman pinakikita ang daloy ng salapi sa parehong sektor. Makikita na ang bahay kalakal ay gumastos ng P 40 milyon upang bumili ng mga salik ng produksyon upang makalikha ng produkto. Ang P40 milyong ito ay tatanggapin ng sambahayan bilang kabayaran sa pagmamay-ari nilang mga salik ng produksyon ngunit ang kaparehong halaga na tinanggap ng sambahayan ay siya ring salapi na gagastusin nito upang makabili ng mga yaring produkto na nalikha ng bahay-kalakal mula sa mga salik ng produksyon. Ang pera na natanggap ng bahay-kalakal mula sa sambahayan bilang kapalit ng mga yaring produkto ay siyang tinuturing na kita ng bahay-kalakal.


Makakamit ang ekwilibriyo o balanse ng ekonomiya kung ang kinita na P40 milyon ng sambahayan ay ikokonsumo lahat sa pagbili ng yaring produkto upang maging kita ng bahay kalakal.


  1. Daloy ng Pag-impok at Pamumuhunan


Makikita sa daloy ng ekonomiya na ito ang pagkakaroon ng disekwilibriyo na dulot ng pag-iimpok ng sambahayan. Ang pag-iimpok at ang pagtatabi ng ilang bahagdan ng kita upang magamit sa hinaharap. Halimbawa, ang sambahayan na kumita ng 35 milyon mula sa ipinagbili na mga salik ng produksyon sa bahay-kalakal ay magtatabi 5 milyon. Nangangahulugan ito na ang salapi na umiikot sa daloy ay mababawasan na magdudulot din ng kabawasan sa salapi na gagastusin nila sa pagbili ng mga yaring produkto na mula sa bahay-kalakal. Nangangahulugan din ito ng pagdami ng mga yaring produkto na hindi mabibili sa bahay kalakal. Ang pagdami ng mga yaring produkto na hindi naipagbibili ay makababawas din sa dami ng paggamit ng mga salik ng produksyon ng bahay kalakal at liliit din ang kita ng sambahayan.


Maaaring maiwasan ang disekwilibriyo sa kabila ng pag-iimpok ng sambahayan kung ang mga salaping inimpok ay ilalagay sa mga institusyong pampinansiyal tulad ng bangko o sa pamilihan ng kapital. Sa ganitong paraan, mananatiling kapaki-pakinabang ang salapi kahit pa ito’y naka-impok.



  1. Ang Tungkulin ng Pamahalaan at Panlabas na Sektor sa Paikot na Daloy ng Produkto at Serbisyo


Ang daloy na ito ay nagpapakita ng ikatlong sektor sa daloy ng ekonomiya—ang pamahalaan. Ito ang nakikipag-ugnayan sa mga pamilihan sa labas ng bansa upang matustusan ang mga pangangailangan ng bansa. Isinasagawa ng pamahalaan ang pump priming sa ekonomiya o ang pagpapatayo ng mga impraestruktura upang makalikha ng trabaho at, pagpapautang at pamumuhunan sa maliliit na negosyo, na may layuning mapasigla at gawing aktibo ang mga sektor at bigyang buhay ang mga gawaing pangkabuhayan sa bansa.


Halimbawa ang sambahayan at ang bahay kalakal ay nagbayad ng buwis sa pamahalaan sa halagang P5 milyon. Kinakailangan ng pamahalaan na gastusin ang salaping ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyong panlipunan o kaya ay magbigay ng subsidy sa bahay kalakal at transfer payments sa anyo ng pension, scholarships at donasyon sa parehong halaga. Dahil dito, ang salapi na nakalaan sa pagkonsumo ng samabahayan ay mababawasan ng P5 milyon. Ang bahay kalakal naman ay tatanggap ng salapi na ginagamit sa pagkonsumo na P30 milyon, pamumuhunan na P5 milyon at subsidy na P5 milyon kaya ang salaping umiikot ngayon sa ekonomiya ay P40 milyon. 


Mga Sanggunian


Balitao, B. R., Buising, M. D., Garcia, E. D. J., De Guzman, A. D., Lumibao, J. L., Mateo, A. P., & Mondejar, I. J. (2015). Ekonomiks 10: Modyul Para sa Mag-aaral (Unang Edisyon ed.). Vibal Group Inc.


Bon, C. B., & Bon, R. R. (2015). Ekonomiks sa Makabagong Panahon. Jo-Es Publishing House.


Egipto, M. D. G., Villoria, L. B., & Ibanez, C. M. (2015). Pagtanaw at Pag-unawa. Diwa Learning System.


Imperial, C. M., Antonio, E. D., Dallo, E. M., Samson, M. C. B., & Soriano, C. D. (2015). KAYAMANAN: Ekonomiks. Rex Bookstore.


Imperial, C. M., Antonio, E. D., Samson, M. B., Dallo, E. M., & Soriano, C. D. (1999). Pagbabago (Unang Edisyon ed.). Rex Bookstore.


Comments

Popular posts from this blog

Mga Imperyong umusbong sa India: Imperyong Maurya, Gupta at Mughal

Scientific Revolution (Rebolusyong Siyentipiko): Bagong Kaalaman na Nagpabago sa Mundo

Ang Krusada: Sanhi, Epekto, at Mahahalagang Aral sa Kasaysayan