Ano ang Demand? Kahulugan at Salik ng Demand
Konsepto at mga Salik na Nakaaapekto sa Demand
Ang lahat ng tao ay mayroong hinahangad, materyal o di-materyal. Masarap na pagkain, magandang tirahan, mga mamahalin at magagandang damit ngunit ang kagustuhang ito ng isang tao na matugunan ang kanyang pangangailangan at makapagkamit ng kasiyahan ay hindi sapat sapagkat ito ay dapat naaayon at nasasabay sa kanyang kakayahang bumili.
Ano ang Konsepto ng Demand?
Ang demand ay tumutukoy sa kakayahan at pagnanais ng isang indibidwal na bumili ng isang produkto o serbisyo sa isang takdang presyo at espisipikong panahon. Napakalaki ng impluwensya ng presyo o halaga ng isang kalakal o commodity sa pagtukoy ng demand ng isang tao. Upang lubusan itong maunawaan, ang isang binata na nagnanais bumili ng bagong release na Iphone 11 Pro Max ay hindi agad nangangahulugan na siya ay mayroong demand sa produktong ito sapagkat kinakailangan na magkaroon siya ng pera o kakayahan na bilhin ang nasabing produkto.
Tandaan na ang konsyumer o mamimili ang aktor kapag pinag-uusapan ang konsepto ng demand. Ang dami ng produkto na kaya at ninanais na bilhin ng isang indibidwal ay tumutukoy naman sa Demand Quantity.
Mga Salik na Nakaapekto sa Demand
Mula sa paliwanag sa itaas, mahihinuha na malaki ang epekto o impluwensya ng presyo sa demand o nais at kayang bilhin ng konsyumer na commodity ngunit sa malalim ng pagtalakay ay makikitang hindi lamang presyo ang nakaiimpluwensya rito. Ang iba pa ay ang mga sumusunod:
Kita
Ito ay tumutukoy sa pera na natatanggap ng isang indibidwal kapalit ng pagbibigay niya ng serbisyo. Hindi maitatanggi na malaki ang impluwensya ng kita sa dami at nais bilhin an produkto ng isang indibidwal.
Halimbawa: Si Konsyumer A ay mayroong budget na P300.00 sa isang araw samantalang si Konsyumer B ay mayroong P750.00. Kung ang presyo ng galunggong ay P195.00 isang kilo, tiyak na mas mayroong kakayahan si Konsyumer B na bumili ng maraming galunggong, maaari naman na maging pareho ang dami ng kanyang bibilhin kung mayroon pang ibang sangkap na nais bilhin si Konsyumer B kaysa Konsyumer A.
Sa ibang pagkakataon, maaaring bumaba ang demand ng konsyumer sa isang partikular na commodity kung ito ay maituturing na Inferior Goods. Ang halimbawa nito ay ang Itlog kung saan bababa ang demand ng isang tao sa itlog sa kabila ng pagtaas ng kanyang kita sapagkat maghahangad siya ng mas masarap na ulam kumpara rito. Samantala, kasalungat ng Inferior Goods ay ang Normal Goods kung saan sabay na tataas ang kita ng isang tao at ang demand nito sa isang produkto. Ang halimbawa nito ay Cake. Kapag tumaas ang kita ng konsyumer ay mas maraming Cake ang kanyang mabibili.
Populasyon
Ang dami o bilang ng taong naninirahan sa isang tiyak na lugar ay nagtatakda rin ng dami ng demand ng mga produkto sapagkat ang pagdami ng tao ay nangangahulugan ng pagdami rin ng konsyumer. Makikita ang epekto nito sa proseso ng migrasyon o pandarayuhan. Tataas ang demand ng mga commodities sa lugar kung saan nagtungo ang mga tao samantalang babagsak naman ang demand sa lugar na kanilang nilisan.
Panlasa ng Mamimili
Ang salik na ito ay tumutukoy sa nais o panlasa ng konsyumer na siyang ginagamit ng mga mamimili sa pagdedesisyon sa pagbili ng produkto o serbisyo. Ang pagbabago sa panlasa ng mamimili ay maaaring makapagpabago sa demand ng isang produkto o serbisyo.
Halimbawa: Ang patuloy na pagtaas ng demand ng mga imported goods dahil mas naaayon ito sa panlasa ng mga mamimili.
Presyo ng Kaugnay na Produkto
Ang pagtaas at pagbaba ng demand sa isang produkto ay nakadepende rin sa kung anong uri ng produkto ito, maaaring ito ay complementary goods o substitute goods.
Kung ang dalawang produkto ay maituturing na complementary goods, ang paggalaw ng demand ng isa ay makaaapekto rin sa demand ng isa pa.
Halimbawa: Ang tinapay at palaman ay maituturing na complementary goods sapagkat kapag tumaas ang presyo ng tinapay ay bababa ang demand nito gayundin, kasabay nito ang pagbaba ng demand ng mga palaman.
Samantala, kung ang isang produkto naman ay maituturing na substitute goods ay maaaring tumaas ang demand nito matapos bumaba ang demand ng isa pa dahil sa pagtaas ng presyo nito.
Halimbawa: Ang Kamatis ay maituturing na substitute goods sa Kalamansi sapagkat sila ay parehong sawsawan. Ang pagbaba ng demand sa kamatis dahil sa mahal na presyo nito ay ang magiging dahilan ng pagtaas ng demand sa kalamansi.
Okasyon
Kakambal ng lahat ng okasyon na ipinagdiriwang ng mga tao ang pagbili ng iba’t ibang produkto o serbisyo na naaayon na okasyon. Kaya naman malaki rin ang impluwensya nito sa demand ng mga produkto sa merkado. Pinaliliwanag ng salik na ito ang paglabas ng mga tindang uniporme, notebook at iba pang school supply sa mga department store sa buwan ng abril at mayo sapagkat nalalapit na ang pasukan. Gayundin, ang pagtaas ng demand sa bulaklak at tsokolate sa buwan ng pebrero; kandila tuwing araw ng mga patay; at serbisyo ng pagre-rebond bago ang kapaskuhan at pagpapalit ng taon.
Ekspektasyon
Ang ekspektasyon ng mga mamimili sa maraming bagay ay nagtatakda rin sa dami ng demand. Tulad ng ekspektasyon sa kalamidad at sa pagtaas ng presyo.
Ang ekspektasyon sa kalamidad ang magpapaliwanag sa ugali ng mga mamimili na mag-panic buying kung saan ang demand sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng mga canned goods, bigas, inuming tubig, instant noodles ay biglang tataas. Sa iba pang halimbawa, sa panahon ngayon ng pandemya, dahil sa ekspektasyon ng pagpasok ng COVID-19 sa bansa ay nag-panic buying ang marami ng mga alcohol at face masks na lubusang nakaapekto sa demand nito.
Samantala, ang ekspektasyon naman sa pagtaas ng presyo ay nakaaapekto rin. Halimbawa nito ay ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado ay magbibigay ng ekspektasyon sa mga taong nagmamay-ari ng sasakyan ng pagtaas din ng presyo ng gasoline kaya naman ay dadagsa sila sa mga gasolinahan upang magpa-full tank.
Panahon o Klima
Ang pabago-bagong panahon ay nagdidikta rin sa taas o baba ng demand ng produkto. Ang salik na ito ang nagpapaliwanag ng biglang pagsusulputan ng mga nagtitinda ng halo-halo at ice candy tuwing buwan ng marso hanggang hunyo dahil sa mainit na panahon. Gayundin, sa lugaw, jacket at iba pang produkto na nakapagpapainit ng pakiramdam sa tuwing malamig ang panahon at tag-ulan.
Comments
Post a Comment