Ang Kahulugan ng Ekonomiks
- Get link
- X
- Other Apps
Kahulugan at Kahalagahan ng Ekonomiks
Ang ekonomiks ay isang agham na ipinakilala ng isang ekonomista, pilosopo at manunulat na si Adam Smith noong ika-18 siglo sa kanyang libro na pinamagatang Nature and Causes of the Wealth of Nations. Bago pa man ito ay mayroon nang konsepto ng ekonomiks sa mga sinaunang kabihasnan ngunit tanging si Smith ang nagpasimula ng pormal na pag-aaral ng ekonomiks gamit ang mga hakbangin sa pagsasagawa ng siyentipkong pamamaraan, tulad ng iba pang agham. Dahil dito at sa mga kaisipang iniambag ni Smith sa pag-aaral ng ekonomiks bilang agham gaya ng kosepto ng Laissez Faire o Let Alone Policy at Division of Labor, tinagurian siya bilang Ama ng Makabagong Ekonomiks.
Ano ang Ekonomiks?
Kung ating titignan ang etimolohiya ng salitang ekonomiks, ito ay nagmula sa dalawang salita griyego na Oikos na ang ibig sabihin ay sambahayan at nomia na nangangahulugang pamamahala. Kung gayon maituturing na ang literal na pakahulugan sa salitang ekonomiks ay ang Pamamahala sa Sambahayan.
Ang pinakapayak na depinisyon ng ekonomiya ay ang maka-agham na pag-aaral sa wasto at makatarungang paggamit ng limitadong likas na yaman na mayroon ang mundo upang matugunan ang walang hanggang kagustuhan at pangangailangan ng tao. Ito ay paikot-ikot na proseso ng pagpili at pagdedesisyon ng lahat ng tao upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa pinakawasto at pinakamatalinong pamamaraan.
Mula sa depinisyon ng ekonomiks na nasa itaas ay mahihinuha natin na mali ang paniniwala na hindi madaling bigyang kahuluhan ang ekonomiks dahil ito ay isang agham na ating ginagawa sa pang-araw-araw na pamumuhay. Bilang patunay, ang isang mag-aaral na binigyan ng limandaang piso ng kanyang magulang bilang kanyang allowance sa loob ng isang linggo ay maituturing na halimbawa ng gawaing pang-ekonomiya. Mula sa pagpili kung saan siya kakain, sa fastfood na mahal ang bilihin o sa karinderya na mas mura; kung ano ang tatak o uri ng ballpen na kanyang gagamitin, ito ba ay G-tech o Panda; hanggang sa kung ano ang kanyang sasakyan sa pag-uwi, ito ba ay FX na mas mahal o dyip na mura. Lahat ng ito ay maituturing na aktibidad ng tao kung saan sinusubukan nitong matugunan ang ating walang hanggang pangangailangan sa kabila ng pagiging limitado ng ating resorses.
Sinasabing ang mga ekonomista ay gumagamit ng Decision Tree upang makabuo ng pinakawastong desisyon sa mga bagay-bagay. Ang decision tree isang graphical representation na nagpapakita ng lahat ng mga pagpipiliang desisyon at ang mga potensyal na kahahantungan nito. Upang mas maunawaan, tignan at aralin ang halimbawa sa ibaba:
Ano ang mga Kahalagahan ng Ekonomiks?
Sa kadahilanang may kakapusan at limitado ang ating likas na yaman ay kinakailangan nating maging matalino sa paggamit nito upang matugunan nito ang pangangailangan ng mga susunod pang salinlahi na maninirahan sa mundo. Isa lamang ito sa maraming kahalagahan ng pag-aaral ng Ekonomiks. Narito ang iba pa:
Makatutulong upang lubusang maintindihan ang mga programa, proyekto at batas na ipinapatupad ng pamahalaan.
Mahahasa ang ating matalinong pagdedesisyon sa pang-araw araw na pamumuhay.
Mahahasa ang kasanayan sa wastong paggastos at pababadyet.
Makatutulong sa mga nagnanais maging negosyante sa hinaharap.
Magiging maalam sa mga karapatan bilang konsyumer o mamimili.
Magiging matalinong mamimili.
Mahahasa ang Kritikal na Pag-iisip.
Makagagawa ng hakbangin upang makatulong sa pambansang kaunlaran.
Apat na Pangunahing Katanungang Pang-Ekonomiya
Kung mayroon man suliraning pang-ekonomiya na kinahaharap ang lahat ng bansa sa mundo ito ay ang kakulangan o scarcity na siya naming nais solusyonan ng pag-aaral ng ekonomiks. Kaya naman narito ang apat na katanungang pang-ekonomiya na tumutugon dito:
Ano ang mga produkto at/o serbisyo ang ipo-prodyus? (What to Produce?)
Tinutukoy sa katanungang ito kung ano ang serbisyo at produkto na dapat i-prodyus batay sa pangangailangan ng mga tao. Tandaan na ang mga ito ay maaaring mabago depende sa panahon, sa resorses na kinakailangan at sa teknolohiya.
Hal. Sa panahon ng pandemya, mas nanaiisin ng isang negosyante na magtinda ng Alkohol kaysa Ice Cream.
Paano maipo-prodyus ang mga produkto at/o serbisyo? (How to produce?)
Tinutukoy naman sa katanungang ito ang paraan ng pagggawa ng produkto o serbisyo. Ito ay nagagawa sa tulong ng mga salik ng produksyon, (1) Lupa; (2) Lakas Paggawa; (3) Kapital; at (4) Entrepreneurship
Hal. Sa paggawa ng damit, maaaring gumamit ng Handlooms o kaya ay automatic looms.
Para kanino gagawin ang mga produkto at/o serbisyo? (For whom to produce?)
Tinutukoy ng katanungang ito kung sino ang mga dapat makatanggap ng produkto o serbisyo na nagawa. Sa realidad, kung sino ang may salapi at may kakayahang bumili ng produkto at serbisyo ay sila lamang ang dapat makatanggap nito ngunit layunin ng pamahalaan na maging makatarungan ang distribusyon ng mga produkto at serbisyong ito mula sa mga mayayaman hanggang sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Hal. Ang serbisyo ng edukasyon at healthcare ay dapat libreng tinatanggap ng lahat ng tao.
Sino ang kumokontrol sa mga salik ng produksyon? (Who will own and control these major production factors?)
Sa sistemang pang-ekonomiya na kapitalismo, ang mga kumokontrol sa mga salik ng produksyon na ito ay ang mga kapitalista na ang layunin ay makalikha ng kita o tubo mula sa mga produkto o serbisyo na kanilang nagagawa. Ayon kay Karl Marx, ang sistemang ito kung saan tanging mga mayayamang kapitalista ang may kontrol sa mga salik ng produksyon ang nagpapalaki sa pagitan ng mga mayayaman (bourgeoisie) at manggagawa (proletario) o tinatawag din na income disparity.
Hal. Ang mga malalawak na sakahan ay patuloy na pagmamay-ari ng mga mayayamang panginoong maylupa at hindi ng mga tunay na magsasaka.
SANGGUNIAN:
Bon, C. B., & Bon, R. R. (2015). Ekonomiks sa Makabagong Panahon. Jo-Es Publishing House.
Dillon, M. (2019). Introduction to Sociological Theory: Theorists, Concepts, and their Applicability to the Twenty-First Century (2nd ed.). Wiley-Blackwell.
Egipto, M. D. G., Villoria, L. B., & Ibanez, C. M. (2015). Pagtanaw at Pag-unawa. Diwa Learning System.
Imperial, C. M., Antonio, E. D., Dallo, E. M., Samson, M. C. B., & Soriano, C. D. (2015). KAYAMANAN: Ekonomiks. Rex Bookstore
- Get link
- X
- Other Apps

Comments
Post a Comment