Ang Paikot na Daloy ng Ekonomiya: Ang Market Flow

  Paikot na Daloy ng Ekonomiya Hindi gaya ng pag-aaral ng gawi o daloy ng lipunan, madaling mailarawan ang kaganapan sa buong ekonomiya sa pamamagitan ng paikot na daloy ng mga produkto at serbisyo. Makatutulong sa gawaing ito ang konsepto ng circular flow ni Francois Quesnay batay sa kanyang Tableau Economique. Sa isang payak na pananaw, makikita ang daloy ng mga produkto at serbisyo sa sa pagitan ng sambahayan, pamilihan at bahay-kalakal. Tignan ang mga modelo ng daloy ng ekonomiya sa ibaba: Paikot na Daloy ng Produkto at Serbisyo Pinakikita sa daloy na ito na magiging balanse ng ekonomiya dahil sa interaksyon ng dalawang sektor—ang sambahayan at ang bahay kalakal. Makikita na ang mga salik ng produksyon na kinakailangan ng bahay kalakal ay nakukuha mula sa sambahayan. Kailangan ito ng bahay kalakal upang makalikha ng mga yaring produkto na siya ring kinokonsumo ng sambahayan.  Paikot na Daloy ng Salapi Pinakikita naman dito ang dalawang daloy sa pagitan ng sambahayan ...

Pagkonsumo at mga Salik na Nakapaapekto rito

 Pagkonsumo at mga Salik na Nakapaapekto rito

Ang pagkonsumo ay isa sa pinakamahalagang gawaing pang-ekonomiya na ginagampanan ng lahat ng indibidwal sa mundo upang matugunan ang kanilang pangangailangan at upang mabuhay at magkaroon ng kasiyahan. Ito ay ang paggamit ng mga produkto o pagtanggap ng serbisyong matagumpay na nalikha ng proseso ng produksyon. 

Ang mga tao na gumagamit ng mga produkto at nakikinabang sa mga serbisyong ito ay tinatawag nating konsyumer. Sa oras na mapagtanto ng isang indibidwal na siya ay nangangailangan ng isang produkto at serbisyo—at siya ay bumili, gumamit at umubos nito ay maituturing na siyang konsyumer. Ang proseso ng pagkonsumong ito ay nagaganap sa sistemang market o pamilihan. 

Sinasabing napakahalaga ng gawaing pang-ekonomiya na ito sapagkat mawawalan ng saysay o halaga ang lahat ng produkto at serbisyo na nalikha sa proseso ng produksyon kung wala ang mga konsyumer na tatangkilik, bibili o gagamit sa mga ito. Mula rito, mahihinuha natin na ang pagkonsumo ng bawat tao ang magdidikta ng pag-unlad ng produksyon ng isang negosyo. 

 Ang pagkonsumo na isang indibidwal ay maaaring iuri sa apat:

  1. Produktibong Pagkonsumo

Ito ay uri ng pagkonsumo kung saan isa pang kapaki-pakinabang na produkto ang malilikha sa pamamagitan ng pagkonsumo ng isa pang produkto. Ang halimbawa sa ibaba ay nagpapakita ng pagkonsumo ng tinatawag nating Intermediate Good upang makalikha pa ng Final Goods. 

Hal. Mula sa iba’t ibang uri ng troso na binili ay makalilikha ng furniture at iba pang kapaki-pakinabang na bagay.


  1. Tuwirang Pagkonsumo

Ang uri ng pagkonsumo na ito ay tinatawag din bilang Direktang Pagkonsumo. Ito ay ang pagkonsumo o pagbili ng mga produkto o serbisyo na agarang makapagbibigay ng kasiyahan at kapakinabangan sa atin bilang konsyumer. 

Hal. Ang mga tsuper ng dyip na napapagod at nauuhaw ay bumili ng inumin upang mapawi ang kanilang pagod at mabigyang kasiyahan ang kanilang sarili. 


  1. Maaksayang Pagkonsumo

Ang uri ng pagkonsumo na ito ay nagaganap kapag ang pagbili, paggamit at pab-ubos ng produkto o serbisyo ay sumobra o lumabis sa pangangailangan o kagustuhan ng isang indibidwal. 

Hal. Ang pamimili ng mga damit linggo-linggo na hindi naman nagagamit at naiiwan na lamang na naka-stock sa cabinet. 


  1. Mapanganib o  Nakapipinsalang Pagkonsumo

Ang pagkonsumo ay humahantong sa mapanganib o nakapipinsala kapag ito ay maaaring maging banta sa kalusugan at seguridad ng isang indibidwal. 

Hal. Ang pag-inom ng alak linggo-linggo. 


Mga Salik na Nakaaapekto sa Pagkonsumo

Maraming aspeto o bagay ang nakaiimpluwensya sa paraan, uri at dami ng ating pagkonsumo. Ito ay ang mga sumusunod: 

  1. Kita

Ito ay ang pera na tinatanggap ng isang indibidwal bilang kapalit ng kanyang serbisyo o ginawang produkto. Sinasabing napakalaki ng impluwensya ng laki ng kita ng isang tao sa dami ng produkto o serbisyo na kanyang ikokonsumo, pinatutunayan ito ng pag-aaral ng ekonomistang aleman na si Enrst Engel na nagsasabing malaki ang porsyento ng kita ng tao ang inilalaan sa pagkonsumo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng tirahan, kasuotan at pagkain. Kung gayon, mahihinuha na ang kita at pagkonsumo ay mayroong relasyong directly proportional. Kasabay na pagtaas ng kita ng isang tao ay ang pagdami ng pagkonsumo nito. 


Ngunit sa kabilang banda, sinasabi rin sa Engel’s Law na kapag lumaki ang kita, lumiliit ang bahagdan ng kita na kinokonsumo para sa paagkain bagkus mas ginagawang prayoridad ang pagkonsumo ng mga luho o kagustuhan higit sa pangangailangan. 

Hal. Noong maliit ang kita ay pawang mga  pangunahing pangangailangan lamang ang binibili tulad ng bigas, ulam, asukal at iba pa ngunit nang lumaki ang kita ay mas inuuna ang pagbili ng luho tulad ng mga alahas at mamahaling cellphone.


  1. Presyo

Mahalaga na alamin ng konsyumer ang halaga o presyo ng isang produkto o serbisyo na nais niyang tangkilikin sapagkat ito ang pangunahing salik na makapaglilimita o makapagdaragdag sa dami ng produkto o serbisyo na kakayanin niyang bilhin sapagkat nararapat lang na nakaayon sa budget  ng isang indibidwal ang kanyang pagkonsumo kaya naman napasisigla ng mga sale at discount ang pagkonsumo ng isang tao. 

Hal. Nais mong bumili ng Iphone ngunit hindi kaya ng iyong budget halaga nito kaya ikaw ay humanap ng ibang smart phone na mayroong parehong features na mayroon ang Iphone. 


  1. Okasyon

Nakaaapekto rin sa pagkonsumo ng isang indibidwal ang mga okasyon tulad ng pasko, kaarawan, bagong taon, kasalan, binyagan at iba pa. Makikita ang pagdagsa ng tao sa mga pamilihan at pagdami ng pagkonsumo sa tuwing nalalapit ang mga karaniwang okasyon na pinaghahandaan. Gayon din sa mga gym, salon at spa. 

Hal. Marami ang nagpapa-rebond sa mga beaty parlor matapos magpalit ang taon.  


  1. Pag-aanunsyo

Malaki ang epekto ng pag-aanunsyo sa paghihikayat at pag-iimpluwensya sa mga konsyumer upang tangkilikin ang isang produkto o serbisyo. Kaya’t ang mga produkto ay madalas na idinidikit sa mga kilalang personalidad at binibigyan ng magagandang islogan upang mapataas ang pagkonsumo ng mga mamimili.

Hal. Ang mga sabon na ini-endorso ni Kathryn Bernardo ay mas tinatangkilik sa pamilihan.


  1. Panahon

Tumutukoy ito sa pagbabago-bago ng ginagamit o kinokonsumo na produkto at serbisyo ng mga consumer batay sa kalagayan ng panahon. 

Hal. Mataas ang pagkonsumo ng halo-halo, maninipis na damit, ice cream tuwing buwan ng marso hanggang mayo samantalang mataas naman ang konsumo sa lugaw, jacket at kape tuwing tag-ulan. 


  1. Pagpapahalaga ng Tao

Ang prayoridad at ugali tulad ng pagiging matipid at gastador ng tao ay mayroon ding malaking impluwensya sa kanyang pagkonsumo. Tinutukoy nito ang pagtitimbang ng isang indibidwal sa mga bagay na mas dapat bilihin dahil higit na kinakailangan.

Hal. Ang isang Ina na nagtatrabaho at pinagpapaguran ang kanyang sinasahod ay mayroong mas pagpapahalaga sa pag-aaral ng kanyang mga anak kaysa bumili ng mga alahas.  


Mga Sanggunian


Balitao, B. R., Buising, M. D., Garcia, E. D. J., De Guzman, A. D., Lumibao, J. L., Mateo, A. P., & Mondejar, I. J. (2015). Ekonomiks 10: Modyul Para sa Mag-aaral (Unang Edisyon ed.). Vibal Group Inc.


Bon, C. B., & Bon, R. R. (2015). Ekonomiks sa Makabagong Panahon. Jo-Es Publishing House.


Egipto, M. D. G., Villoria, L. B., & Ibanez, C. M. (2015). Pagtanaw at Pag-unawa. Diwa Learning System.


Imperial, C. M., Antonio, E. D., Dallo, E. M., Samson, M. C. B., & Soriano, C. D. (2015). KAYAMANAN: Ekonomiks. Rex Bookstore.


Imperial, C. M., Antonio, E. D., Samson, M. B., Dallo, E. M., & Soriano, C. D. (1999). Pagbabago (Unang Edisyon ed.). Rex Bookstore.


Comments

Popular posts from this blog

Mga Imperyong umusbong sa India: Imperyong Maurya, Gupta at Mughal

Scientific Revolution (Rebolusyong Siyentipiko): Bagong Kaalaman na Nagpabago sa Mundo

Ang Krusada: Sanhi, Epekto, at Mahahalagang Aral sa Kasaysayan