Ang Paikot na Daloy ng Ekonomiya: Ang Market Flow

  Paikot na Daloy ng Ekonomiya Hindi gaya ng pag-aaral ng gawi o daloy ng lipunan, madaling mailarawan ang kaganapan sa buong ekonomiya sa pamamagitan ng paikot na daloy ng mga produkto at serbisyo. Makatutulong sa gawaing ito ang konsepto ng circular flow ni Francois Quesnay batay sa kanyang Tableau Economique. Sa isang payak na pananaw, makikita ang daloy ng mga produkto at serbisyo sa sa pagitan ng sambahayan, pamilihan at bahay-kalakal. Tignan ang mga modelo ng daloy ng ekonomiya sa ibaba: Paikot na Daloy ng Produkto at Serbisyo Pinakikita sa daloy na ito na magiging balanse ng ekonomiya dahil sa interaksyon ng dalawang sektor—ang sambahayan at ang bahay kalakal. Makikita na ang mga salik ng produksyon na kinakailangan ng bahay kalakal ay nakukuha mula sa sambahayan. Kailangan ito ng bahay kalakal upang makalikha ng mga yaring produkto na siya ring kinokonsumo ng sambahayan.  Paikot na Daloy ng Salapi Pinakikita naman dito ang dalawang daloy sa pagitan ng sambahayan ...

Ang Pamilihan: Iba't-ibang Istruktura ng Pamilihan

 Iba’t Ibang Istruktura ng Pamilihan 

Kung titignan sa kasaysayan, nagsimula ang konsepto ng pamilihan bilang isang lugar lamang kung saan nagpapalitan ang mga magkakalapit-lugar ng mga labis na produkto na kanilang nakukuha mula sa pangangaso at pangingisda. Kalaunan ay mas naging sistematiko ang gawing ito at tinawag na pamilihan o palengke. 

Ang pamilihan o palengke sa kasalukuyan ay mayroon ding kaparehong konsepto sapagkat ito ay isa ring lugar kung saan nagaganap ang interaksyon ng prodyuser at ang konsyumer, na siyang pangunahing aktor sa pamilihan, upang magpalitan ng produkto sa isang takdang presyo o halaga. 

Mga Istruktura ng Pamilihan

Ang pamilihan ay nagtataglay ng iba’t ibang katangian. Ito ay mayroong dalawang pangunahing istruktura—ang ganap na kumpetisyon at di-ganap na kumpetisyon. Ang dalawang ito ay maaaring iuri batay sa mga sumusunod:

  1. Gaano karami ang konsyumer at tindera?

  2. Sino ang nagtatakda ng presyo?

  3. Ano ang uri ng mga produkto?

  4. At Kalayaan sa pagpasok at paglabas sa pamilihan.


Ganap na Kumpetisyon

Ang istruktura ng pamilihan na ito ay kalimitang nagtataglay ng pangunahing katangian na ang mga negosyante ay walang kakayahan o kontrol na palitan at baguhin ang presyo sa pamilihan. Bukod dito, nagtataglay rin ito ng mga sumusunod na katangian: 

  1. Magkakatulad ang mga Produkto

Mailalarawan ang produkto sa ganitong istruktura ng pamilihan bilang homogenous o magkakatulad. Mapapansing identikal ang mga produkto kaya naman nawawalan ng saysay ang pag-aanunsyo o advertisement dito sapagkat wala mang pag-aanunsyo na nagaganap ay nakasisiguro na ang mga produkto na ito ay bibilhin pa rin ng konsyumer. 


Isang halimbawa rito ay ang palengke kung saan nagtitinda ang bawat prodyuser ng magkakatulad na produkto. Ang mga saging na ibinebenta ni Tindera A ay walang pinagkaiba sa saging na itinitinda ni Tindera B. Hindi rin ginagawang basehan ng mga mamimili ang pinanggalingan ng mga produktong ito, sapagkat sinuman ang nagtanim at umani ng mga ito, patuloy itong mabibili.

Sa ganitong uri ng pamilihan, ang presyo ng mga produkto ay itinatakda ng dami ng demand at suplay nito. 


  1. Marami ang Mamimili at Tindera ng Produkto

Sa kadahilanang napakarami ng nagtitinda at maliliit lamang ang negosyo sa ganitong uri ng pamilihan ang nagtanggal sa mga negosyante ng kontrol sa pagtatakda ng presyo ng mga produkto sapagkat ang kahit kakaunting pagtaas ng presyo sa Tindahan A ay maaaring magdulot ng paglipat ng mamimili sa Tindahan B na mayroong mas mababang presyo. Kaya naman ang mga tindero ay kinakailangang sumunod lamang sa presyo na umiiral sa pamilihan.


  1. May Kalayaan sa Paglabas at Pagpasok sa Negosyo

Ang mga negosyante  o tindero ay maaaring lumabas sa industriya sa oras na hindi na sumasapat o mababa ang kanilang kinikita at pumasok sa industriya kung saan mayroong mas mataas na kita. Halimbawa nito ay si Tindera A na noo’y nagtitinda ng mansanas ngunit napansin niyang mababa ang kita rito kaya’t napilitan siyang lumipat sa pagtitinda ng saging. Ang paglabas at pagpasok ng mga negosyante sa industriya ay hindi gaanong nakaaapekto sapagkat marami naman ang nagtitinda ng kaparehong produkto. 


  1. Malayang Paggalaw ng Produkyon

Ang katangiang ito ay maiuugnay rin sa nauna sapagkat kasabay ng pagkakaroong ng malayang paggalaw sa industriya ay ang Kalayaan din ng mga prodyuser sa mga hadlang at kontrol sa paggamit ng mga salik  ng produksyon. 


  1. Mayroong Sapat na Kaalaman at Impormasyon

Parehong ang mamimili at ang nagbibili ay nararapat lamang na mayroong alam sa kaganapan sa pamilihan. Mabuting ang isang mamimili ay alam ang kasalukuyang presyo ng mga bilihin upang makapaghanda ng budget. Samantalang makatutulong naman ang kaalamang ito sa nagbibili upang matukoy ang mga produkto ang nararapat na gawin at ipagbili na mayroong pinakamababang gastusing pamproduksyon ngunit makapagbibigay sa kanilang ng malaking tubo. 


Di-Ganap na Kumpetisyon 

Ang mga katangian na tinataglay ng di-ganap na kumpetisyon ay kabaligtaran ng mga katangian ng ganap na kumpetisyon. Sa istrukturang ito ay mayroong kumokontrol sa presyo ng mga bilihin; hindi malaya ang paglabas at pagpasok ng mga negosyante; nabibilang lamang ang dami ng konyumer at prodyuser; at limitado ang pagpipiliang produkto. Nasa ibaba ang iba’t ibang uri ng pamilihan sa ilalim ng istrukturang di-ganap na kumpetisyon.

  1. Monopolyo

Malaki ang pagkakaiba ng monopolyo sa ganap na kumpetisyon sapagkat sa istruktura ng pamilihan na ito ay mayroon lamang iisang prodyuser o negosyante na kumokontrol sa malaking porsyento ng mga produkto na ipinagbibili. Ang halimbawa nito ay ang Maynilad na nagbibili ng tubig at Meralco na nagbibili ng elektrisidad. Ang monopolyo ay may mga sumusunod na katangian: 

  1.   Iisa ang nagbibili o prodyuser

Makapangyarihan ang mga negosyante sa ilalim ng pamilihan na ito na tinatawag na monopolista. Dahil sa siya ang nagmamay-ari ng malaking porsyento ng produkto ay mayroon siyang kakayahan na kontrolin at itakda ang presyo at ang dami ng produkto sa pamilihan sa halaga ninanais niya at kung saan mas malaki ang kanyang kita.

  1. Kakayahan na hadlangan ang kalaban sa negosyo

Ang mga monopolista ay mayroong kakayahan din na hadlangan ang pagpasok ng kalaban sa negosyo. Nagagawa niya ito sa dalawang pamamaraan—una, ang pagpapatupad ng cut throat competition kung saan ibinababa ng monopolista ang presyo ng produkto upang mapaalis sa kumpetisyon ang bagong negosyante, sa oras na umalis ang kalaban ay muli nilang ibabalik ang dating presyo ng produkto. Ikalawa, kinokontrol ng monopolista ang pinagkukunan ng hilaw na materyales upang mawalan ng gagamitin ang kalaban upang makabuo ng produkto.


Pinoprotektahan rin ng patent at copyright ang mga produkto sa monopolyo upang hindi gayahin ang paraan ng paggawa ng mga ito. Patent ang tawag sa lisensya na ibinibigay ng pamahalaan sa isang negosyo na magkaroon ng karapatan na gumawa, gumamit at magbenta ng isang produkto. Samantalang copyright naman ang pagtatalaga ng karapatang ari ng kumpanya na maglathala at magpalabas ng isang makasining na gawain at lathalain sa isang takdang panahon. (Imperial, 2015) 

  1. Walang Malapit na Kapalit 

Dahil sa katangiang ito ng monopolyo ay nagiging malakas ang kapangyarihan ng mga monopolista na kontrolin ang presyo sa pamilihan sapagkat ang produkto na kanilang ipinagbibili ay pawang mga pinaka-kailangan ng mga mamimili at walang ibang produkto ang nalalapit dito na maaaring magsilbing kapalit.  


  1. Monopsonyo 

Sa istrukturang ito ay mayroon naman iisang konsyumer at marami ang handing magbili ng produkto o serbisyo. Sa ganitong katangian ay ang bumibili o konsyumer ang magdidikta ng halaga o presyo ng produkto o serbisyo na nais niyang bilhin. Ang halimbawa nito ay ang pamahalaan na siyang kaisa-isang nagbibili ng serbisyo mula sa mga pulis, guro, doktor sundalo at iba pa. Pamahalaan na maituturing nating konsyumer ang nagtatakda ng sweldo ng mga ito. 


  1. Oligopolyo

Mailalarawan naman ang istrukturang ito sa pagkakaroon ng iilan lamang na prodyuser ng halos magkakaparehong produkto serbisyo na nagkakaiba lamang sa kanilang brand name. Bukod sa katangiang ito, ay madali rin nating matukoy ang oligopolyo dahil sa dalawang pangunahing katangian nito—una, pagkakaroon ng sabwatan at ikalawa, hindi nagtutunggalian sa presyo.

  1. Pagkakaroon ng Sabwatan

Makikita ang katangiang ito sa gawi ng mga negosyo tulad ng kumpanya ng langis na SHELL, CALTEX at PETRON. Ang mga malalaking kompanyang ito ay lihim na nagkakaroon ng sabwatan. Naisasagawa nila ito sa pagbuo ng isang kartel, isang samahan ng mga kumpanya na naglalayon na kontrolin ang produksyon, magtaas ng presyo at kumita nang malaki. Dahil sa gawing ito, hindi malaya ang pagbuo ng desisyon ng bawat kumpanya sapagkat kinakailangan niyang ikonsidera ang kalagayan ng iba pang kasapi ng kanilang kartel.


  1. Hindi naglalaban sa presyo

Nagkakaroon man ng kasunduan ang mga negosyante sa ilalim ng istrukturang ito ay hindi nangangahulugan na walang kumpetisyon sa pagitan nila. Makikita ang kumpetisyon na ito sa anyo, anunsyo at kalidad ng produkto na ipinagbibili. Halimbawa, ang ilang kumpanya ng langis na nagbibigay ng promo sa mga mamimili upang mas tangkilikin ang kanilang produkto.


  1. Monopolistikong Kumpetisyon

Mailalarawan ang istrukturang ito sa pagsasama ng katangian na mayroon ang monopolyo at ganap na kumpetisyon. Sa pamilihang ito, nagtitinda ang maraming prodyuser ng mga produktong magkakatulad ngunit may pagkakaiba o sa similar but differentiated. Maaaring ang pagkakaiba na ito ay ipakita sa brand name, kulay, hugis, uri at paraan ng pag-aanunsyo. Halimbawa nito ay ang safeguard, dove, Tender care at Johnson na pare-parehong sabon na naglilinis ng katawan ngunit pilit na pinapakita sa pag-aanunsyo nito na mas maganda ang produkto kumpara sa isa. Ang pag-iiba-iba ng mga produkto sa pamilihang ito ay maaaring totoo ngunit minsan ay haka-haka lamang. 


Mga Sanggunian


Balitao, B. R., Buising, M. D., Garcia, E. D. J., De Guzman, A. D., Lumibao, J. L., Mateo, A. P., & Mondejar, I. J. (2015). Ekonomiks 10: Modyul Para sa Mag-aaral (Unang Edisyon ed.). Vibal Group Inc.


Bon, C. B., & Bon, R. R. (2015). Ekonomiks sa Makabagong Panahon. Jo-Es Publishing House.


Egipto, M. D. G., Villoria, L. B., & Ibanez, C. M. (2015). Pagtanaw at Pag-unawa. Diwa Learning System.


Imperial, C. M., Antonio, E. D., Dallo, E. M., Samson, M. C. B., & Soriano, C. D. (2015). KAYAMANAN: Ekonomiks. Rex Bookstore.


Imperial, C. M., Antonio, E. D., Samson, M. B., Dallo, E. M., & Soriano, C. D. (1999). Pagbabago (Unang Edisyon ed.). Rex Bookstore.


Comments

Popular posts from this blog

Mga Imperyong umusbong sa India: Imperyong Maurya, Gupta at Mughal

Scientific Revolution (Rebolusyong Siyentipiko): Bagong Kaalaman na Nagpabago sa Mundo

Ang Krusada: Sanhi, Epekto, at Mahahalagang Aral sa Kasaysayan